KORAPSYON SA PDEA?

BAKBAKAN NATIN

NAPAKAHA­LAGA ng resibo kahit anong transaksyon ang pag-usapan natin, sapagkat katibayan ang resibo na mayroong naganap na transaksyon na ganyan ang halaga ang binayaran o nagastos.

Kapag walang resibo o dokumento ay tiyak magiging batayan ng pagdududa na ninakaw ang pera.

Tayong mga Pilipino ay alam natin na ganito ang senaryong mangyayari kapag walang resibo o dokumentong maipakikita ang taong binigyan mo halimbawa ng P10,000.

Mahigit P74 milyon pa kaya?!

Ang tinutukoy ko ay ang P74.28 milyong nagastos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong nakalipas na taon na walang mga resibo at dokumentong sumusuporta, ayon sa Commission on Audit (COA).

Sa 74.28 milyon, P22.448 milyon ang nagastos sa mga byahe at P51.83 milyon para sa 101 disbursement vouchers (DVs).

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kaya walang mga resibo ‘yung P51.83 milyon, sapagkat ang mga kompanyang binayaran ng PDEA ng mga kagamitan ng ahensya ay hindi nagbigay ng mga resibo.

Ano ba ang mga kompanyang ito at hindi nagbibigay ng resibo na milyun-milyon ang pinag-uusapang pera?

Tapos, pumayag ang PDEA, samantalang alam na alam ng mga opisyal ng finance division nito na napakahalaga ng resibo at mga dokumentong susuporta sa milyun-milyong transaksyon ng nasabing ahensiya sa mga pribadong kompanya.

Alam ng mga opis­yal ng finance division at ng pamunuan ng PDEA sa pangunguna ni Aquino na kailangan ng COA ng mga resibo at dokumentong magpapatunay na totoong mayroong naganap na transaksyon sa P74.28 milyon.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nga ay walang tigil na nagpapaalala sa ating lahat na humingi ng resibo sa mga kompanyang pinagbilhan ng kahit anong produkto, tapos itong mga kompanyang pinagbilhan ng PDEA ng milyun-milyong halaga ng ka­gamitang kakailanganin ng ahensiya ay walang resibo.

Nang lumabas ang balitang ito sa media, naglabas ng opisyal na pahayag si Aquino na nagsasabing susunod ang PDEA sa rekisito at alituntunin ng COA.

Kaya, nakikipag-ugnayan na ang PDEA sa kanilang mga sup­plier upang makakuha ng mga resibo sa kanilang mga binili noong 2018.

Hunyo 2019 na ngayon, tapos ngayon lang kukunin ang resibo matapos humingi ang COA sa PDEA!

Alam kong mara­ming nag-iisip na mayroong nagaganap na korapsyon sa PDEA matapos ilabas sa media ang pagpapa­alala ng COA sa P74.28 milyong nagastos ng PDEA noong 2018 nang walang mga kaukulang dokumento at resibo.

Hindi ko sila masisisi, sapagkat napakalaking halaga ang binabanggit ng COA sa PDEA at isa pa, nakakintal na sa kanilang mga isipan na napakatalamak ng katiwalian at korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ngunit, mahirap maghusga nang walang sapat, malakas at matibay na batayan.

Kaya, isang malaking katanungan kung mayroong korapsyon sa PDEA.

Dapat walang katiwalian at korapsyon sa PDEA kahit katiting, sapagkat pihadong wasak na wasak ang kredibilidad nito, lalo na ang katapatan at kaseryosohan nitong masakote ang mga drug lord at mga protektor nila.

Dapat, walang kumakalat na kuwento na mayroong mga nababayarang opisyal at ahente ng PDEA upang pakawalan ang mga nadidiskubre at nahuhuli nilang politiko at artistang nagbebenta at gumagamit ng cocaine, shabu o ecstasy upang pagdudahan ang mga opisyal at ahente ng PDEA sa katapatan at kaser­yosohan ng mga ito sa pagsugpo ng iligal na droga sa bansa.

Huwag nating kalimutan na PDEA ang pangunahing makinarya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Suportang organisasyon lamang ang Philippine Natio­nal Police (PNP).  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment