KORAPSYON SA MAYNILA, AKSYUNAN NI MORENO

BAKBAKAN NATIN

NAPAKAGANDANG bantayan si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang alkalde ng Maynila mula ngayong taon hanggang 2022.

Una, ito’y dahil kapitolyo ng Pilipinas ang Maynila.

Ikalawa, iniwan ni dating Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Maynila na napakarumi ng paligid, baradung-barado ang mga estero, talamak ang iligal na sugal, tala­mak ang iligal na terminal na ginawang ‘gatasan’ ng mga korap na pulis, nagkalat ang mga vendor sa bangketa at ang iba pa nga’y sa kalsada dahil ginawa ring gatasan ng mga korap na pulis, mga opisyal ng barangay at ng mga korap na opisyal sa pamahalaang lokal.

Nabalitaan ko na ipinag-utos ni Mayor Domagoso sa command conference ng Manila Police District (MPD) na ipatigil ang mga iligal na sugal sa Maynila tulad ng color games, drop ball at video karera.

Sa panahon ni Estrada, lantaran ang mga drop ball at color games sa kalsada tulad sa Ylaya, Quiapo at Blumentrit.

Sa Baseco Compound ay talamak ang video karera na pawang mga pulis ang may-ari.

Ipatigil din ni Domagoso ang mga bookies ng karera at ng small town lottery (STL), sapagkat luging-lugi ang Philippine Racing Commission (Philracom) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Napakalaking ha­laga ang nawawala sa pamahalaan, sapagkat napupunta lang ito sa mga illegal gambling ope­rator at protektor na mga pulis.

Ganoon din ang pa­ngongotong ng pulis na si alyas “Nepo” sa mga vendor sa Quiapo.

Iba naman ang kolek­tor sa mga vendor sa Divisoria, Recto, Carriedo, Pedro Gil at iba pang mga kalsada.

Hindi pahuhuli ang matunog na matunog na koleksyong nakukuha araw-araw sa mga iligal na terminal ng mga pampublikong sasakyan sa Liwasang Bonifacio.

Kung kikilos si Domagoso laban sa mga ito, sana hindi pakitang-gilas tulad ng ginawa ng mga nakalipas na alkalde, kasama na si dating Ma­yor Jose “Lito” Atienza Jr.

Maliban sa mga katiwalian at korapsyon sa kalsada na ayon kay Mayor Domagoso ay nasa P5 milyon kada araw ang padulas sa alkalde ng lungsod, hindi dapat kaligtaan ni Domagoso ang pamahalaang lokal ng lungsod na umapaw ang kuwento hinggil sa tala­mak na katiwalian at korapsyon.

Palasak na paksa kapag katiwalian at korapsyon ang pinag-uusapan ay ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), kontrata sa basura na pinag-awayan pa ng dalawang dating artista na parehong napakalapit sa buhay ni Erap, ang engineering department, business permit and licensing office at napakarami pang iba.

Sana mabawasan ang korapsyon sa mga dibisyong ito kundi man tuluyang matigil upang mabawasan din ang napakasamang imahe ng pamahalaang lokal ng Maynila na iniwan ni Erap.

Hindi ko pinasasama o tuluyang winawasak ang 6-taong administrasyon ni Estrada.

Binabanggit ko lang ang katotohanang dapat harapin ni Mayor Moreno – Domagoso upang sa gayon mayroon tayong pagsusukatan ng mga ginawa niya sa 2022 laban sa katiwalian at korapsyon.

Ipokrito naman tayong lahat kung sasabihin nating walang katiwalian at korapsyon sa administrasyong Estrada, samantalang minsan na nga siyang napatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala sa kasong pandarambong noong siya pa ang pangulo ng bansa.

Mayroon, ngunit hindi natin sinasabing mismong si Estrada ang direktang sangkot o nakikinabang sa korapsyon.

Ang mahalaga sa ngayon ay tapat, seryoso at mapagpasyang kikilos si Domagoso at ang mga konsehal sa pa­ngunguna ni Bise- Alkalde Honey Lacuna laban sa katiwalian at korapsyon sa pamahalaang lokal ng Maynila.

Kailangang paghusayan ni Domagoso ang pagsugpo sa katiwalian at korapsyon, sapagkat ubod nang huhusay at madiskarte ang mga tiwali at korap na ito.

IPAHULI NI ISKO ANG ILLEGAL GAMBLING LORDS!

Kumalat sa social media kamakalawa ang video ni Mayor Isko Moreno – Domagoso hinggil sa mga video karera machines na nakumpiska ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD).

Nagbabala si Domagoso laban sa iligal na mga pasugalan.

Pagkatapos, ipinawasak ang mga lumang makina.

Ganito rin ang ginawa ng mga naging alkalde ng Maynila (Alfredo Lim, Jose Atienza Jr. at  Joseph Estrada) pagkatapos manumpa bilang alkalde, pero pagkaraan ng ilang araw ay tumahimik na sila.

Sa madaling salita, nagpasiklab lang.

Kung totoong seryoso si Domagoso na ayaw niya sa iligal na sugal sa Maynila, ipahuli niya ang mga gambling lord sa lungsod, kabilang na ang mga pulis na mga operator din ng video karare machines.

Sa operasyon ng MPD nitong Hulyo 2 laban sa video karera ay walang kagila-gilalas sa ginawa nito dahil wala namang nahuling mga manlalako at operators.

Kaya, dapat ipahuli ni Isko ang gambling lords sa Maynila at iharap sila sa media.

“Palabas” ang tawag kapag hanggang pagkumpiska lang ng mga video karera machines at pagsira sa mga ito ang gagawin.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment