KAYA BANG LINISIN NI OIC GENERAL GAMBOA ANG PNP?

KAAA BOOM

MUKHANG hindi kayang linisin ni P/Lt. General Archie Gamboa, nakaupong Officer in Charge (OIC) ng Phi­lippine National Police (PNP), ang kanilang hanay. Bakit?

Nang maupo si Gamboa nitong October 14, binantayan na siyempre ng publiko ang magiging galaw at desisyon niya pero base sa obserbasyon ng ilan, patuloy ang pangi­ngibabaw ng ‘bata-bata’ system.

Kesehadang binol­dyak pa sila ng aking Lolo Digong, nagmistulang “tengang kawali” si Gamboa kaya nang ipatupad nito ang major revamp, ang mga ‘mistah’ pa rin daw ni dating PNP Chief Oscar Albayalde at Senator Bato Dela Rosa o class PMA 1986 ang “nabiyayaan” at kung hindi man, ay ang grupo ng mga opisyal na mga miyembro ng tinatawag na ‘Davao Group’ sa loob ng PNP.

Isang malaking palaisipan din sa publiko ang tila “pagsambot” o pagsalo ni Gamboa sa isang ‘ninja cop’ at ang “pagdiin” naman niya kay Albayalde! Ano’ng nangyari?

Ang tinutukoy natin dito ay ang hindi pagsibak sa serbisyo kay P/Lt. Joven de Guzman Jr., na pinatawan na lang ng 59-day suspension habang ina­prubahan naman ang pagsasampa ng kasong korapsyon at pagsangkot sa ilegal na droga ng CIDG laban kay Albayalde hinggil sa isyu ng ‘13 ninja cops’ na pawang mga tauhan ni Albayalde noong siya pa ang “PD” (provincial director) ng Pampanga Provincial Police Office (PPPO) noong 2013.

Isa si De Guzman sa 13 na tinaguriang ninja cops na sa halip maalis sa serbisyo ay nilipat lang sa Rizal PPO kasama ang tatlo pang sangkot sa kontrobersya.

Ang Rizal PPO ay nasa ilalim ng kaklase ni Albayalde na si P/BGen. Edward Carranza, bilang “RD” (regional director) ng Calabarzon PNP.

Nakarating sa aking kaalaman na nitong buwan ng Mayo sa Antipolo City, muling sumabit sa eskandalo ang grupo nitong si De Guzman kung saan mistulang “pinagnakawan” umano nila ang kanilang ‘biktima’ na isinabit nila sa transaks­yon sa ilegal na droga.

Dahil dito, inirekomenda ng PNP-IAS (Internal Affairs Service) kay Gamboa na sibakin sa serbisyo sina De Guzman, P/MSgt. Donald Roque, Rommel Vital at Cpl. Romeo Encarnacion Guerrero Jr. subalit sa naging anunsyo ni Gamboa noong Oktubre 21, nakalusot na naman si De Guzman habang nadismis ang kanyang tatlong tauhan.

Bakit hindi masibak-sibak si De Guzman? Kanino bang bata ito?

Isa pang nakadidismaya ay ang pagtatalaga ni Gamboa kay P/BGen. Debold Sinas bilang bagong NCRPO director.

Pagkaupong-pagkaupo kasi ni Sinas ay nagpakita na agad ito ng hindi magandang asal sa mga miyembro ng media kabilang na ang pagbabawal niya sa ambush interview. Isa pang malaking katanungan ng madlang pipol ay nang sabihin nina Gamboa at Sinas na ang konsentrasyon na ngayon ng PNP ay ang mga “HVT” (High-Value Target) o ‘yung mga drug lord. Ibig bang sabihin ay hindi na manghuhuli ng maliliit na pusher ang kapulisan?

Hindi kaya lumakas ang loob ng mga nagbebenta ng droga sa kalye kung hindi na sa kanila nakatuon ang konsentrasyon ng PNP? Kaaa….Boom! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment