KAPRITSO NI CARDEMA NA MATAWAG NA CONGRESSMAN, IBASURA!

CHRISTIAN BOMB

INAPRUBAHAN ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsumite ni dating National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema ng request of substitution of nominee noong hapon ng ika-12 ng Mayo upang maging kinatawan ng Duterte Youth partylist sa Kongreso.

Ito ay magbibigay daan upang tuluyang makaupo si Cardema sa Kongreso.

Ang desisyon na ito ng Comelec ay isang insulto at pambabastos sa ating demokratikong proseso at institusyon. Nakasaad kasi sa Partylist System Act na ang kinatawan ng sektor ng kabataan ay dapat 25 taong gulang na at hindi hihigit sa 30 taong gulang sa araw ng eleksyon, pero noong nagsumite si ­Cardema ng request of substitution of nominee noong Mayo 12 ay lampas na siya sa nakatakdang edad bilang representante ng sektor ng kabataan.

Bagamat nilinaw ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ­hindi pa approve ang  substitution ni Cardema, kundi ‘yung application lang ang tinanggap, ay makikita naman na umaasta na siya bilang kinatawan ng Kongreso, at patunay diyan ang pagdalo niya sa mga pagpupulong ng mga nanalong kongresista ng mga partylist group.

Ibig sabihin, kung hindi sana tinanggap ng Comelec ang application ni Cardema para sa ­substitution ay hindi na sana ito nag-aastang ­kongresista.

Sa totoong lang, maraming anomalyang kinasangkutan ang Duterte Youth partylist. Kamakailan lamang ay kumalat ang mga litrato na nagpapakita ng mga gastos sa ­ilang online ads para sa Duterte Youth. Kasabay pa nito ang paglabas ng utos ng Commission on Audit (COA) na dapat ibalik ng mga opisyal at empleyado ng National Youth ­Commission (NYC) ang mga monetized leave ­credits at travel expenses na ­natuklasang puno ng katiwalian.

Bukod diyan, ibinasura na rin pala dati ng Comelec ang aplikasyon ng Duterte Youth Partylist dahil hindi ito ­nakapagsumite ng mga dokumento sa itinakdang panahon o oras ng Comelec, pero dahil malakas si ­Cardema kay ­Presidente Duterte, ­inaprubahan din ng Comelec ang  aplikasyon nito para makalahok sa halalan.

Maraming ginawang paglabag, kaya’t malinaw na ang Duterte Youth partylist at si Ronald Cardema ay magiging huwad na representante ng sektor ng kabataan at nariyan lamang upang suportahan si Pangulong Duterte at hindi para gumawa ng mga batas para sa kapakanan ng mga kabataan.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdinig ng Comelec en banc sa petisyon ng mga kumukuwestyon sa ­pagiging substitute ni Cardema, at sana lang magdesisyon nang tama ang Comelec, dahil kung ­papaboran nila ito (Cardema) ay lalabas na binabalahura na mismo ng Comelec ang batas, para lang mapagbigyan ang ­kapritso ng “bata” ni Pangulong Duterte na congressman. (CHRISTIAN’S BOMB)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment