KALANSAY SA MAYNILA UNTI-UNTING NAHUHUKAY

NIPIS

NAGSIMULA nang umalinga­saw ang itinatagong baho ng ilang tanggapan na nasa ilalim ng Manila Police District na sinasabing nagiging money making office na nagbibigay ng tara sa kanilang mga tauhan upang madagdagan ng extra ang kanilang suweldo.

Naunang nagreklamo ang ilang tauhan ng MPD- Tourism Police Unit kung saan ang hepe nito ay inireklamo ng kanyang mga tauhan dahil sa pagbibigay sa mga ito ng tara na P150 hanggang P300 bawat araw.

Pumiyok ang mga tauhan ng MPD-TPU na ang “Tanggapan” ay nasa Senior Citizen Garden sa Luneta Park sa Ermita dahil sino nga ba naman ang kanilang huhuthutan ng pera sa tourist spot na Luneta at Mabini gayung ilan na lang ang foreigner na namamasyal doon.

Kataas-taasan na hahanapan nila ng paglabag sa batas ay ang ilang pro­binsiyano, matatanda at mga estudyante na nagtitiis na mamasyal sa Luneta dahil sa kawalan ng pera o maliit lang ang laman ng kanilang bulsa.

Siyempre, malambot ang puso ng ilang mga pulis kaya’t hindi matiis ang kalokohang nais ipagawa ng kanilang mga hepe kaya’t napilitang magpumiyok at magreklamo sa tanggapan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (GAIS).

Nagsimulang maglabasan ang ilang baho ng mga tanggapan sa MPD dahil tukoy na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga kalokohan ng mga pulis lalo na sa ginagawa ng mga itong panggigipit sa mga botante ng Maynila.

Unang ibinunyag ni Mayor Isko ang ginagawang pangongotong ng mga pulis sa vendors ng Divisoria, Blumentritt, C.M. Recto, Pedro Gil at iba pang lugar sa kanyang nasasakupan na pinapayagan ang mga magtitinda na maglatag ng kanilang mga produkto kapalit ng payola.

Sabagay ang paglutang ng mga pulis laban sa kanilang hepe ay suportado ni MPD district director P/BGen. Bernabe Balba sapagkat maging ito ay ayaw ng korapsyon sa pamahalaan.

Makabubuting paimbestigahan ni Gen. Balba at Yorme ang lahat ng tanggapan sa Maynila na tumatanggap ng lagay mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan gayung sinusuwelduhan naman ang mga ito ng maayos ng gobyerno.

Si Mayor Isko, hindi papatol sa pag-iimbestiga dahil hindi naman sakop ng kanyang tanggapan ang imbestigasyon sa PNP. Pero dapat sumawsaw na rin siya dahil malaki ang suportang ibinibigay niya sa mga pulis.

Swerte nga ng MPD cops dahil pinirmahan na ni Yorme ang allowance ng pulis na P30k bawat isa para sa isang taon.

Hindi nga ba’t kaya tinaasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suweldo ng mga pulis ay upang hindi na ang mga ito mapilitang mangotong.

Sabagay, ang ilan kaya nango­ngotong ay dahil may iba pang pinagkakagastusan tulad ng ikalawa at ikatlong pamilya at luho sa katawan.

Napapanahon na talaga na magsagawa ng lifestyle check sa mga pulis upang matukoy sa mga ito kung sino ang ibang klase ang pamumuhay na lampas na kita nila bilang pulis.

Pero sana, huwag na hintayin ng mga pulis na sangkot sa ‘tara’ at ‘lingguhang payola’ na pumutok pa ang kanilang pangalan sa gawaing koto­ngan, ngayon pa lang tigilan na ang kanilang extrang negosyo sa kanilang mga “tanggapan” upang hindi na umingay pa ang kanilang pangalan at malagay pa sa mga pahayagan na posib­leng maging ugat ng kahihiyan sa kanilang pamilya. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment