KAHULUGAN NG DEMOKRASYA HINDI ALAM NI SEN. PACQUIAO 

CHRISTIAN BOMB

SINISISI ni Senator Manny Pacquiao ang demokrasya dahil ito raw ang dahilan ng laganap na katiwalian sa pamahalaan at kawalan ng disiplina sa mga Pilipino.

Ang sabi pa ni Pacquiao, na ang sobra umanong demokrasya ay nakasasama sa bansa.

Kung masama para kay Pacquiao ang demokrasya, ano ang mabuti para sa kanya? Ang maging diktador ang uri ng pamamahala ng gob­yerno sa bansa?

Naranasan na ng Pilipinas at ng mga Pilipino ang isang diktador na pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Pres. Ferdinand Marcos, Sr.

Bagamat para sa ilan ay mabuti ang sinasabi tungkol sa diktador na pamahalaan, ay mayorya naman ng mamamayan ang tutol dito, at napatunayan na iyan nang magkaisa ang taumbayan na maglunsad ng People Power laban sa gobyernong Marcos noon, at nang mawala sa poder ang dating Pangulong Marcos ay diyan na bumalik ang diwa ng demokrasya.

Ang demokrasya ay ang pamahalaan ng mga tao, para sa mga tao at galing sa mga tao.

Mahalaga ito sapagkat ito ang nagsisilbing gabay at patnubay para maipatupad ang pantay na karapatan para sa lahat ng mga mamamayan kahit na ano pa ang estado nito sa buhay.

Sa demokrasya, magkakapantay ang lahat ng tao sa pagtatamasa ng mga karapatan. Hindi alintana ang kulay, lahi, relihiyon, paniniwala at katayuan sa lipunan.

Mahalaga ang demokrasya dahil nasa kamay ng mga mamamayan ang desisyon at kapangyarihang mamili ng kanilang mga magiging pinuno.

May hangganan din naman ang kalayaan ng mamamayan sa isang demokratikong bansa, tulad ng Pilipinas dahil ang sinomang lumabag sa batas, maging mahirap man o mayaman ay may kaukulang kaparusahan, ayon sa itinakda ng Saligang Batas.

Sana, sa susunod na magsalita sa harap ng publiko si Sen. Pacquiao ay dapat isipin muna niya ang kanyang sasabihin, kung tama ba o mali.  Kung lalabas ba siyang katawa-tawa sa mga bibitawan niyang salita.

Dahil sa sinabi ni Sen. Pacquiao na masama ang demokrasya sa isang bansa ay ang na­ging tingin tuloy sa kanya ng publiko ay hindi niya alam ang kahulugan ng salitang demokrasya.

Dapat alamin ni Sen. Pacquiao ang tunay na kahulugan ng demokrasya para malaman niyang mabuti ang dulot nito sa isang bansa at sa mga mamamayan nito at hindi ito masama tulad ng kanyang paniniwala. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment