IWASAN ANG MGA PRODUKTONG MAY ASF

BAKBAKAN NATIN

MALIBAN sa pagiging ­journalist, isa rin ako sa maraming Filipino na mahilig kumain ng longganisa at hotdog.

Katunayan, ­longganisa o hotdog ang madalas na agahan ng aking pamilya, bukod sa itlog.

Kaya, malaking bagay sa pangkaraniwang tao na tulad ko na malaman kung ang ­binibili naming longganisa, hotdog, karne ng baboy o anomang produktong ­galing sa baboy ay ligtas pa rin o hindi ngayong panahong mistulang bagyong umiikot ang ASF sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kahit sabihin pang hindi nagkakasakit o sa mas masahol ay hindi naman nakamamatay ang kumain ng baboy na mayroong ASF, napakaimportante pa ring alam ng mamimili na walang ASF ang bibilhin niyang longganisa, hotdog o baboy.

Kaya, natuwa ako nang aminin ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Animal Industry (BAI) nitong ­Nobyembre 4 na ang produktong longganisa at hotdog ng Mekeni Food Corporation ay mayroong ASF.

Kung mayroon pang ibang kumpanya bukod sa Mekeni, sikat man o hindi, ay napakahalagang ihayag ng mga opisyal ng DA at BAI upang malaman ng publiko ang katotohanan.

Ang ASF ay sakit ng baboy na kumakalat at unti-unting sumisira sa industriya ng baboy sa bansa ngayon.

Inihayag ni Ronnie Domingo, BAI Officer-In-Charge, sa press conference na ang sampol ng skinless longganisa at Picnic Hotdog na ipinadala ng Mekeni sa BAI nitong Oktubre para alamin kung ligtas kainin o hindi ay nagpositibo sa ASF.

Napakainam ang ginawang pagkumpirma ng DA at BAI sa resulta ng pagsisiyasat nito sa mga produkto ng Mekeni.

Hindi tulad noong una na halatang itinatago ng dalawang opisyal ng DA ang resulta ng pagsisiyasat ng BAI sa mga produkto ng Mekeni.

Kahit na kinukulit ng ilang journalist kung anong kilala at malaking kumpanya ang nagpositibo ang produkto sa ASF.

Ang sagot ba naman ay “for further testing.”

Pokaragat na ‘yan!

Tuloy, napagdiskitahan ng publiko ang media na siyang nagtatago ng katotohanan hinggil sa resulta ng ASF testing ng DA at BAI.

Hindi po itinago ng media ang testing ng DA at BAI sa mga produkto ng malalaking kumpanya tulad ng Mekeni Food Corporation na nakabase sa Pampanga.

Ilang opisyal po ng DA at BAI ang sadyang naglihim sa media.

Dapat nga ay tanggalin ni DA Secretary William Dar ang mga pilyong opisyal!

Ayon kay Domingo, ipinatanggal na ng Mekeni ang kanilang mga produktong longganisa at hotdog na nasa mga pamilihang bayan.

Sana nga lahat!

Ang mahirap ay kung mayroon pang ibinebentang longganisa at Picnic Hotdog ng Mekeni sa mga palengke.

Gayunpaman, mainam nang iwasan ng publiko ang mga produktong longganisa at hotdog ng Mekeni hangga’t walang kasiguraduhang ligtas ang kanilang mga produkto, batay sa magiging desisyon ng DA at BAI.

Ang pag-iwas ng mga mamimili ang siyang  pinakamahusay na dapat gawin ng bawat isa sa atin, lalo pa’t inamin ni Domingo na ang DA at ang Department of Health (DOH) “is organizing a composite team to do further investigations related to this issue.”

Sa panahong laganap ang ASF kung saan napakarami nang baboy ang namamatay o ipinapapatay upang matiyak lamang na hindi kumalat sa ­maraming panig ng bansa ang ASF sa mga babuyan, kailangan ang lubos na pag-iingat nating lahat.

Uulitin ko po, kahit sabihing hindi nakahahawa sa tao o nakamamatay ang ASF, higit na mainam ang kalusugan ng tao kaysa magpatuloy ang negosyo ng mga kumpanyang baboy ang produktong inaalok.

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998–565–0271. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment