ITAAS ANG SAHOD NG MGA GURO

BAKBAKAN NATIN

ISA sa makabuluhang propesyon ang pagiging guro.

Hindi pa man isinisilang sa mundo si Kristo, itinuring na ng mga hen­yo na makabuluhang propesyon ang pagiging guro.

Sa Pilipinas ay napakaraming guro sa pampubliko at pribadong mga paaralan.

Maging sa antas ng kolehiyo, sapagkat makabuluhan nga ang pagiging guro.

Ngunit, hindi makabuluhan ang kanilang sahod.

Hindi na makabuluhan, hindi pa nakabubuhay ng pamilya ang kanilang buwanang sahod.

Matagal nang nananawagan ang mga guro kay Pangulong Rodrigo Duterte na itaas ang kanilang sahod, ngunit hanggang ngayon ay nananatiling pangako ang inihayag niya na umento sa sahod ng mga guro.

Ngayong Ika-18 Kongreso ay maraming isinumiteng panukalang batas na naglalayong bigyan ng umento ang sahod ng mga guro.

Syempre, magandang balita ito.

Ngunit, sana mabilis na umaksyon ang mga miyembro ng Kongreso upang maipasa ang panukalang batas tungkol sa pagtaas ng sahod ng mga guro.

Huwag sanang ma­tulad sa panukalang batas hinggil sa pagpapatigil ng kontraktuwalisasyon na umabot ng tatlong taon bago ipasa ng Kongreso.

Tapos, nang ipasa ay butas-butas, sapagkat mayroon pang pagkakataon manatili ang kontraktuwalisasyon.

Iyan ang problema sa ating mga mambabatas – napakatagal magpasa ng panukalang batas, tapos maraming butas.

Sana, sa panukalang batas hinggil sa pagtataas ng sahod ng mga guro ay hindi umabot ng tatlong taon sa Kongreso bago ipasa ng mga mambabatas.

At ang mahalaga ay dapat ang panukalang pagtaas ng suweldo ng mga guro ay iyong nakabubuhay sa kanilang pamilya.

Ang suweldong nakabubuhay ay nakasaad sa Saligang-Batas.

Kaya, nararapat lamang na sundin at isakatuparan ang nasabing konsepto ng pagtaas ng sahod.

Nakatitiyak akong matutuwa ang mga guro kapag ang ipinasang panukalang batas ay malaki upang masabing nakabubuhay ng pamilya.

Sa panahon ngayon, walang dudang kailangan ng mga guro ang mala­king suweldo upang makatiyak silang matutugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya

Kung maliit lamang ang panukalang umento ay pihadong walang saysay ito.

Kaya, kung ganito lang ay huwag nang magpasa ng panukalang batas para sa mga guro, sapagkat wala naman itong malaking maitutulong sa mga guro.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment