ISTAP! WALA MUNANG UTAK TALANGKA

NIPIS

HINDI na maitatago ang mga kapalpakang nangyayari sa gaganaping 30th South East Asian (SEA) Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019 dito mismo sa ating bansa.

Nagsimula sa P50 milyon ‘cauldron’ na binatikos ng mga mamamayan lalo na ng mga oposisyon, hanggang umabot na sa pagdating sa bansa ng mga athletang bisita na kasali sa kompetisyon na hindi nabigyan ng tamang atensiyon ng organizing committee ng SEA Games.

Nagreklamo ang mga atleta at lumabas pa sa mismong mga komunikasyon nila sa sarili nilang bansa ang mga palpak na pagtanggap sa kanila ng Pilipinas gayun noon pa man ay kilala na ang ating bansa sa kahusayan sa pagtanggap ng panauhin.

Ipinakita ang pagsisiksikan sa isang sasakyan ng mga bisitang atleta, maling pinagdalhang hotel, pagtulog sa sahig ng hotel dahil sa kawalan ng preparasyon at akomodasyon, traffic, palpak na pagkain dahil hindi nabigyang halaga ang pagkain ng mga Muslim, kakulangan sa tubig, hindi tapos na press venue, hindi tapos na pagdarausan ng mga laro at marami pang iba.

Hindi nga maganda ang paghawak ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC)  na pinangungunahan ni House Speaker Allan Peter Cayetano dahil nagmukhang amateur ang Pilipinas sa paghawak ng ganitong event gayung hinawakan na natin ang 23rd SEA Games noong 2005 na nagkaroon man ng gusot subalit mabilis na nagawan ng paraan at hindi masyadong malaking kahihiyan ang naidulot.

Bago magkaroon ng 2019 National and Local Elections, nagpalabas pa ng press release si Ca-yetano na noon ay kalihim ng Department of Foreign Affairs at chairman ng PHISGOC.

Sa press release, sinabi ni Cayetano na handang-handa ang Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang pinamumunuang committee na pangunahan ang 30th SEA Games kung saan inaasahang dadaluhan ng labing-isang bansang miyembro nito.

Subalit, talagang palpak kaya hindi maitago ang mga kaganapan. Ilang nasa panig ng pamahalaan ang nagsasabi na puro dilawan o oposisyon ang bumabanat at naghahanap ng kasiraan ng administrayon kaugnay sa palpak na paghawak sa SEA Games.

Maging si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nabubuwisit na nangyayaring kahihiyan ng bansa na dulot ng SEA Games. Hindi na nga naman ito gawa mismo ng diliwan o ng kalaban ng pangulo sa politika subalit mismong ang mga pinagkatiwalaan na ng pangulo.

Noong una, iniyayabang pa ng pangulo na kaya ganoon kamahal ang kalderong gagamitin sa palaro ay dahil sa milyon din ang bayad sa taong nagdisenyo nito. Nilinaw niya na walang korapsyong naganap sa pagpapagawa nito.

Subalit, unti-unting lumilinaw sa isipan ng pangulo na tila may mali sa pamamahala ng SEA Games. May ilang lumalabas na isang dahilan ay ang kakulangan ng panahon dahil hindi umano ito orihinal na itinalaga sa Pilipinas. Naunang itinalaga sa Brunei ang palaro subalit inayawan dahil sa kakulangan ng budget.

Gayunman, nang ipasa sa Pilipinas, nagkaroon nang pag-urong sulong ang bansa dahil sa nangyaring Marawi Siege noong 2017. Gumastos ang bansa para sa pagbangon ng Marami ngunit makalipas nga ang ilang buwan ay tinanggap na ng Pilipinas ang pagho-host sa SEA Games.

Nandiyan na yan, wala nang magagawa ang mga Pinoy kung hindi tanggapin na lang ang mga pangyayari at sana, huwag na tayong dumagdag pa sa problema ng mga opisyales ng pamahalaan sa pagbatikos sa mga nangangasiwa ng kaganapan.

Sana, sa halip na magbatuhan ng putik dahil sa mga nangyayari sa SEA Games, magtulungan muna upang malutas ang mga maliliit na kakulangan ng mga opisyales ng PHISGOC nang sa gayun ay matapos ang palaro na nagkakaisa ang mga Pilipino.

Huwag muna tayo mag-utak talangka. Magtulungan muna tayong lutasain ang mga problema at kakulangan dahil ang kahihiyan at kapalpakan ng PHISGOC sa gaganapin/ginagaganap/naganap na SEA Games ay kahihiyan at kapalpakan din ng ating bansa.

Pagkatapos ng SEA Games, magkaroon na ng masusing imbestigasyon sa mga nangyaring kapalpakan, gisahin ang dapat gisahin at parusahan ang dapat parusahan.

Pero sa ngayon, magtulungan muna tayo para sa ikagaganda ng ating Inang Bayan. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment