ISANG KALDERONG KIKIAM

BOMBA KA DAY

AT nagkagulo sa bayan ni Juan.

Pano kasi lumutang ang gintong kaldero. Ito raw ba ang kaldero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan?

Ang pagkamahal-mahal na kaldero ay nasa tuktok ng tore na sisindihan at magiging hudyat ng pormal na pagsisimula ng ika-30 Southeast Asian Games.

Nagreklamo ang netizens at hindi matanggap na ang kaldero ay mistulang ginto dahil nagkakahalaga ng P50 milyon.

Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ng ispiker ng mababang kapulungan ng Kongreso na si Alan Peter Cayetano bilang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Bakit daw gumastos ng P50 milyon para lang sa kaldero.

“Work of art.” Bwelta ni Cayetano sa mga bumabatikos sa kanyang kaldero.

Huwag daw tingnan ang kaldero kundi ang may likha nito na isang national artist sa katauhan ni Francisco ‘Bobby’ Mañosa.

Ang disenyo ni Mañosa ay para sana sa planong Centennial Tower na itatayo sa Luneta noong 1988. Kaya naiguhit niya ito bago pa man siya pumanaw.

Base sa mapaglarong imahinasyon ng netizens, binura lang ang needle sa ibabaw ng tower na siyang original design kaya na­ging kaldero na gagamitin ngayon sa SEA Games.

Kaya naman katakot-takot na lait at batikos ang inabot ni Cayetano.

Hindi pa man nakaka-move on sa gintong kaldero ang publiko. Sumingaw naman ang kikiam na ipinakain umano sa mga atleta – bisita at lokal.

Pumalag na naman ang netizens. Bakit nga naman hindi, biruin mong P6 bilyon ang ibinuhos dito ng pamahalaan tapos kumbinasyon ng kikiam at itlog ang pagkain?

Agad namang nilinaw ng hotel management na naghanda ng inirereklamong agahan, hindi raw kasi kikiam yun kundi chicken sausage. So, hitsurang kikiam lang pala yun pero lasang chicken? Ganun?

Sino nga ba ang matutuwa sa mga kapalpakan na ‘yan?

Kabilang sa reklamo ang hindi sapat na pagkain at ang ilang venue na hindi pa natatapos ang repair o renovation gayung magsisimula na ang mga palaro.

Pagdating pa lang ng mga bisitang manlalaro ay pumalpak na ang PHISGOC dahil ilan sa mga ito ang naghintay ng mahabang oras sa NAIA bago nasundo tulad ng polo team ng Indonesia.

Nagdududa tuloy ang ibang mga manlalaro na sinasabotahe sila.

Kitang-kita na kapos sa paghahanda ang PHISGOC taliwas sa pagyayabang ni Cayetano na preparado silang magbigay ng ‘world class hosting’.

Sa gitna ng naglulutangang batikos at puna, paano makababawi si Cayetano at paninindigan ang world class hosting ng SEAG?

Nagsalita na si Pa­ngulong Rodrigo Duterte. Paiimbestigahan niya ang mga kapalpakan sa SEA Games at walang sisinuhin. Lahat ng may kinalaman sa kontrobersyal na SEAG hosting ay sasalang sa imbestigasyon kaya hagip dito si Ca­yetano.

Kahit pa siniguro ng isang kaalyado ni Ca­yetano na malabong imbestigahan nila ito sa Kamara, tiyak na babaliktad sila kapag si Digong na ang nag-utos.

Hindi pwedeng magturo lang si Cayetano sa pangyayaring ito. Nasa kanyang balikat ang malaking responsibilidad at siya ang papasan sa malaking kahihiyan na ina­ani ngayon ng Pilipinas. (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment