INTSIK ANG OPISYALES NG NGCP

BAKBAKAN NATIN

KUNG titingnan ang hatian ng mga nagmamay-ari ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), kapansin-pansing dalawang kumpanyang pag-aari ng malalaking negosyanteng Filipino ang mayroong kontrol sa NGCP.

Batay sa rekord, ang nasabing dalawang kum­panya ay ang Monte Oro Grid Resources Corporation (MOGRC) at ang Calaca High Power Corp. (CHPC).

Pag-aari ni Henry Sy, Jr. ang MOGRC, samantalang pag-aari naman ni Robert Coyiuto, Jr. ang CHPC kung saan 60 porsiyento ang pinagsamang sapi nila sa NGCP.

Kaya, sila ang may kontrol ng NGCP.

Ang natitirang 40 porsiyento ay pag-aari ng dayuhang State Grid Corporation of China (SGCC), na pag-aari ng pamahalaan ng People’s Republic of China.

Kaya, ang malaking porsiyento ng NGCP ay pag-aari ng pamahalaan ng China, hindi lang ng mga pribadong negosyanteng Intsik.

Ipinagpipilitan ng pamunuan ng NGCP na walang kontrol ang China sa NGCP dahil pawang “adviser” lang ang papel ng SGCC o pamahalaan ng China sa NGCP.

Ang NGCP ay pribadong kumpanya na mayroong kontrol sa transmisyon ng elektrisidad sa Pilipinas. Hindi puwedeng isipin na ang kum­panyang Manila Electric Company (Meralco) ay kasing laki ng NGCP dahil ang negos­yo ng Me­ralco ay distribyusyon ng elektrisidad sa mga residente at negos­yante.

Nadiskubre ni Senadora Risa Hontiveros na tatlo sa pangunahing opisyal ng NGCP ay ang mga Chinese na sina Zhu Guangcha, chairperson ng NGCP; Wen Bo, chief technical officer; at Liu Zhaoquiang, assistant chief technical officer for operations and maintenance.

Kapansin-pansin na pawang may bigat o estratehiko ang posisyon ng tatlong Intsik.

Mas malinaw pa sa sikat ng araw na ang posisyong hawak ng tatlong dayuhan ay liderato at teknikal na aspeto ng negosyo ng NGCP.

Hindi lang basta tagapayo.

At tama ang hinala ni Hontiveros na “The chairman is Chinese, almost all of the contractors are Chinese, the systems software is made in China and the training is done in China” kaya kontrolado ng mga ito ang NGCP.

Pawang mga kagamitang galing sa China ang ginagamit sa pagpapatayo ng mga imprastraktura ng transmisyon ng elektrisidad na disenyong China ang teknolohiyang ginamit sa NCGP.

Kontrolado ng NGCP ang transmisyon ng elektrisidad sa Pilipinas kung saan mayroon pa itong 15 taong natitira sa 25-taong kontrata sa pamahalaan.

Kung 40 porsiyento ang pag-aari ng pamahalaan ng China sa NGCP, ibig sabihin ganyan din kalaki ang kita ng pamahalaan ng China kada taon.

Halimbawa, noong 2018 ay umabot sa P180 bilyon ang kabuuang kinita ng NGCP kaya tumataginting na P72 bilyon ang kinita ng SGCC o ng pamahalaan ng China noong 2018, samantalang ang MOGRC at CHPC ay P108 bilyon.

At dahil parehong tig-30 porsiyento ang pag-aaring sapi ng kumpanyang MOGRC at CHPC tig-P54 bilyon ang kinita ng bawat isa sa kanila.

O di ba higit na mas malaki ang kita ng China kaysa kina Henry Sy Jr. o kay Robert Coyiuto Jr.?

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Related posts

Leave a Comment