ILLEGAL DRUG VIRUS LAGANAP NA

RATSADAHIN NATIN

DAHIL sa pinaigting na kampanya ng ating gobyerno kontra illegal drugs, sa hanay ng mga drug pusher at user ay 5,176 na ang natitigbak at 170,689 naman ang nalalambat.

Ito ay resulta ng walang humpay na operasyon laban sa droga ng mga awtoridad mula noong July 1, 2016 hanggang January 31, 2019.

Tingin natin, tila yata hindi maubos-ubos ng administrasyong Duterte ang mga drug pusher at user sa buong bansa. Maaaring epekto na rin ito ng drug virus na bunga naman ng matinding kahirapan sa ating bayan. Sabi ng isang tambay sa kanto, mas okay sa kanya ang matodas sa bala ng baril sa pagtutulak ng droga, kaysa naman madedo na dilat ang mata sa gutom. At kahit pa-joke ang tono niyon ay maituturing din naman na isa nga ang matinding kahirapan sa mga totoong dahilan sa  pagsusulputan ng tulak sa ating mga komunidad.

Sa kasalukuyan, maging ang mundo ng politika sa ating bayang magiliw ay sinasabing infected na rin ng makamandag na illegal drug virus. Matatandaan na bago ang May 13 elections ay 46 na narco-politician ang pinangalanan ni PDu30. Sa bilang na ito, 36 ang tumakbo sa iba’t ibang pwesto sa naturang halalan. At ayon mismo sa ulat ng PDEA, 25 sa 36 na tinaguriang narco-politician ang nanalo sa idinaos na botohan.

Sabi ni PDEA Chief Aaron Aquino, posible umanong nanalo ang mga narco politician dahil sa pamumudmod ng pera o kaya ay dahil sa pagtulong sa mga kababayan nating walang-wala.

Gawin nating halimbawa ang pagsagot ng isang narco-politician sa mga gastusin ng isang maysakit na nangangailangan ng atensiyong medikal, pagpapalibing sa isang namatay na kalugar, pagbibigay ng scholarship sa mga dukhang mag-aaral, at iba pa.

Totoong laganap na sa “Pinas ang illegal drug virus. At hindi tayo kontra sa drug war na isinusulong ng administrasyong Duterte. Ang sa atin lang, pagtuunan din sana ng pansin ng Pangulo ang pagbaka sa kahirapan na nararanasan sa ngayon ng milyong  madlang pipol sa ‘Pinas. (Ratsadahin Natin / Rey Atalia)

Related posts

Leave a Comment