IHALAL ANG TAMANG LIDER UPANG MABAGO ANG POC

BAKBAKAN NATIN

KUNG gulo rin lang ang pag-uusapan, walang dudang walang panama ang sigalot sa labanan sa pagka-speaker sa mababang kapulungan ng Kongreso kumpara sa Philippine Olympic Committee (POC).

Mayroong pangkat ng mga kapit-tuko sa kapangyarihan sa POC na ipini­pilit na gawing pangulo ang kanilang manok, samantalang malinaw pa sa sikat ng araw na hindi kuwalipikado ang taong ito.

Mabuti na lang nagpatawag na ng eleksyon si POC Chairman Abraham Tolentino sa Hulyo 28 upang magkaroon ng bagong mga opisyal ang POC.

Tinalakay ko ang POC, sapagkat nabalitaan ko na ‘mainit’ at ‘matindi’ rin ang labanan sa pamunuan nito tulad sa nagaganap ngayon sa Kamara de Representantes, ilang araw bago maganap ang halalan sa pagka-speaker sa Hulyo 22.

Sabi ng mga journalist sa sports beat, “ibang klase rin” ang labanan sa pamunuan ng POC.

Nakumbinsi ako nang lumitaw pa rin ang pangalan ni Jose “Peping” Cojuangco Jr. na kahit mayroon nang edad ay hindi umaalis sa POC.

Hindi iniiwan ang isports.

Pokaragat na ‘yan!

Kahanga-hanga o kaduda-duda?

Noong una, maganda na sana ang itinakbo ng “special elections” para sa pangulo ng POC na ipinatawag ni Tolentino makaraang magbitiw sa tungkulin si Ricky Vargas.

Nakabatay sa POC by-laws ang pagpapatawag ng special elections ng chairman ng organisasyon.

Ngunit, ayon sa mga kaibigan natin sa sports beat, halatang-halata na hindi tumupad sa patakaran ang pangkat ni Peping Cojuangco sapagkat ipinilit ng pangkat na ito si 1st vice president Joey Romasanta ang maging pangulo ng POC kapalit ni Vargas.

May problema sa ginawa nila, sapagkat hindi kuwalipikado si Romasanta na maging presidente saang anggulo man tingnan.

Una, ang Romasanta na ito ay bise-presidente ng National Sports Association (NSA)-Volleyball.

Ang kailangan ay presidente ng NSA na Olympic Sport at dapat ay nahalal mula sa kasaluku­yang pangulo ng NSA na kabilang sa Olympic sport.

Kailangan ding aktibong miyembro ng POC General Assembly sa dalawang magkasunod na taon sa panahon ng kanyang pagkahalal bilang presidente.

Ngunit, ayaw tumigil si Romasanta.

Pinilit niyang iproklama ang sarili na presidente ng POC.

Tapos, nag-isyu ng mga press statement at nagpainterbyu pa sa media si Romasanta kung saan nagpakilalang “presidente” raw siya ng POC.

Noong Hunyo 20, nagpalabas ng abiso ang POC Board na magkakaroon ng General Assembly (GA) ang POC sa Hunyo 25.

Pero, pagdating ng naturang petsa ay may tumayo at kinuwestiyon ang GA dahil labag daw ito sa POC by-laws.

Ang iginiit ay nakasaad daw sa by-laws na dapat ay sampung araw ang abiso para sa ­“extraordinary meetings” ng POC.

Sumang-ayon si POC Chairman Tolentino.

Kaya, idineklara niyang invalid ang GA.

Pero, sinabi niyang puwede naman itong magpatuloy bilang isang “impormal na pulong.”

Sa nasabing pulong, nagkaroon ng commitment sina Tolentino, Board members Clint Aranas at Cynthia Carrion, Auditor Junee Go at Treasurer Julian Camacho na lahat sila ay magbibitiw sa tungkulin upang makapaghalal ng bagong mga opisyal ng POC.

Ang problema, hindi pinandigan nina Go at Camacho ang kanilang pahayag.

Tanging sina Tolentino, Aranas at Carrion lang ang tumupad sa kaisahang magbibitiw sa posisyon.

Pokaragat na ‘yan! Wala namang “palabra de honor” at hindi pala mapagkakatiwalaan ang iba sa POC.

Nakababanas! Nangangako tapos hindi tutuparin!

Binalewala nila ang “olympic spirit” na kung tutuusin dapat sila pa ang nangunguna sa pagpapatupad nito.

Habang nangyayari ang lahat nang ito, kumikilos si Romasanta upang maging kuwalipikado siya bilang pangulo ng POC.

Ang nangyari ay bigla na lang siyang naging presidente ng NSA Volleyball at ng NSA Karate, kahit wala namang anunsiyo o nagpapatunay na totoong naganap ang mga ito.

Iginigiit ni Romasanta na kuwalipikado raw siya bilang POC president, ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit at paano nangyari ‘yon. May isa at natatangi siyang kakampi na alipores ni Peping Cojuangco na nagsabing maaaring pagsamahin ang termino ni Romasanta bilang pangulo ng mga organisasyon ng volleyball at karate para maging apat na taon ang kabuuang itinagal niya sa pagiging pangulo.

Sa ganitong konsepto, pasok umano si Romasanta sa rekisitong hinihingi ng POC by-laws.

Talagang kailangang ba­luktutin ang interpretasyon at intindi sa mga probisyon ng POC by-laws upang mailusot lamang si Romasanta sa eleksyon.

Ang kakapal din ng mukha ng mga taong may ganitong pananaw.

Upang manatili sa rurok ng kapangyarihan sa POC, guma­gamit ng maruming diskarte.

Isa pa itong si Charlie Ho na nagsabing POC secretary general daw siya, gayong ang posisyon na ito ay dapat itinalaga ng pangulo ng Pilipinas at aprubado ng POC Executive Board.

Sino ba ang Ho na ito?

Ang pinakamabuting gawin ay ituloy ang special elections sa POC para makapaghalal na ng bagong mga opisyal.

Nakakahiya sa International Olympic Committee at Olympic Council of Asia na parehong nakapansin sa kaguluhan sa POC.

Kaya, kailangan talagang magkaron ng kandidato na tatapos na sa marumi at baluktot na pamamalakad sa POC.

Si POC chairman Tolentino, ang kaakibat ni Vargas noon sa pagsusulong ng reporma sa POC, ay matunog na matunog na “karapat-dapat” na pangunahan ang organisasyon sa isang bagong simula na kung saan ang Philippine Sports ang tunay na bida, sa halip na ang mga opisyal na panay pansariling interes ang inuuna.

Sa mga miyembro ng POC, sana tubuan naman kayo ng konsensya at katinuan upang ihalal ang mga tulad ni Tolentino na ang puso at isipan ay nakatuon sa kapakanan ng mga atletang Pilipino.

Ibasura n’yo na ang mga nagpapayaman lang at walang pakialam sa kinabukasan ng Philippine Sports.

Iwan n’yo na ang bulok na sistema sa POC at ipatupad ang tunay na pagbabago sa orga­nisasyon.

Kailangang magkaroon ng bagong halal na mga opisyal  sa POC para maayos ang gusot sa organisasyon,  lalo na ngayong apat na buwan na lamang ang nalalabi bago magsimula ang Southeast Asian Games sa bansa.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment