HUWAG NANG IBALIK SA PWESTO

RESPONDE.jpg

BUONG linggong pinagpiyestahan ang balita ukol sa pag-abuso ng mga opis­yales ng Bureau of Corrections (BuCor) sa R.A. No. 10592 o ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) na siya rin naging paksa natin kamakailan. Mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagpahayag na sibak na sa pwesto si BuCor Dir. Nicanor Faeldon sa hindi pagsunod sa kanyang utos ukol sa GCTA.

Pati ang anak ng Pa­ngulo na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay dismayado sa mga pangyayari lalo na sa pagpapalaya nito lamang buwan ng Hunyo sa apat na high-profile convicted Chinese drug lord. Ayon sa alkalde, ito ay taliwas sa laban sa droga ng kanyang ama.

Umabot na rin nga sa Senado na pinakinggan ang panig ng bawat isang sangkot dito.

Ang taumbayan naman ay tutok at sinubaybayan ang mala-teleseryeng kwento sa loob ng BuCor. Ang nakapanlulumo ay ang pag-iwas ni Faeldon sa responsibilidad. Nung una umiwas ito at sinabing pinirmahan lamang niya ang memorandum para umpisahan ang proseso. Hindi naman daw siya ang nag-apruba ng release order. Ngunit inamin na rin nito sa Senado na siya nga ang may otoridad sa pag-apruba. Kung kaya masasabi nating malalim at malala ang kalakaran at tila hindi pa ito ang dulo ng kwentong ito.

Mainam nating pag-usapan na maayos naman ang hangarin ng batas. Binigyan ng pagkakataon makalaya ang mga presong sumunod naman nang husto sa mga panuntunan at dahil dito, maaari silang makapagbagong buhay sa labas ng piitan. Ang naging problema ay nasa pag-implementa ng batas na siya namang pinagkaperahan ng ilang opisyales, ayon na rin sa mga pamilya ng ibang ninais na makalabas sa tulong ng GCTA.

Ngayon ang tanong ay kung maaari ba talaga ipatawag at ibalik sa piitan ang mga nakinabang sa batas na ito? Mukhang mahirap din naman ito pagkat kawawa ang mga kwalipikado sa batas na nakalaya na at kasama ang kanilang mga pamilya. Mas mai­nam siguro na pag-aralan muna ang dokumento ng bawat isa at patawag lamang ‘yung iilan na talagang sa simula’t sapul ay diskwalipikado na.

Kung si Faeldon naman ang ating pag-uusapan, mas mainam na magpahinga na lamang ito at wag nang italaga ng Pangulo sa iba pang ahensya ng gobyerno. Matatandaan na bago pa napunta sa BuCor, naitalaga ito sa Bureau of Customs ngunit nagbitiw nuong

Agosto 2017 dahil sa kontrobersiya ukol sa P6.4 bilyong halaga ng shabu mula sa China na diumano nakalusot sa ating bansa. Marahil, sa pananaw ng nakararami mabuti para sa lahat na ito na ang huling pagtalaga sa kanya. (RESPONDE ORA MISMO / KUYA JOE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment