HULIHIN ANG MGA KAPITALISTANG NAGPAPATAY KAY DENNIS SEQUEÑA

BAKBAKAN NATIN

WALANG dudang ­kapitalista ang nagpapatay kay ­Leonides “Dennis” Sequeña, vice-chairman ng Partido Manggagawa (PM) sa Cavite.

Si Dennis ay kasapi rin ng National Council ng PM at isa sa mga nominado ng PM party-list nitong nakalipas na halalan.

Si Dennis ay binaril nitong Hunyo 2 habang nagsasagawa ng pulong sa mga manggagawa sa Tanza, Cavite.

Tapat, masipag, seryoso, determinado at dedikadong organisador ng mga manggagawa si Dennis.

Wala siyang takot kumilos, organisahin at pakilusin ang mga manggagawa sa iba’t ibang kompanya at pabrika sa Cavite, lalo na iyong mga kompanyang pag-aari ng mga dayuhan sa Cavite Economic Zone kahit mayroon nang 42 organisador ng mga manggagawa ang pinaslang ngayong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng PM, “malaking kawalan” sa PM si Dennis.

Wala akong pagdududang mga kapitalista ang nagpapatay kay Ka Dennis Sequeña, sapagkat ­tanging kapitalista lamang ang makikinabang sa ‘tuluyang pananahimik’ ng ­naturang organisador ng mga manggagawa sa Cavite.

Ang problema, napakaraming ganid na mga kapitalista, kabilang na ang mga dayuhan, sa Cavite.

Ang tanong, sino o sinu-sino sa kanila?

Kung magsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya ng Cavite na pinamumunuan ni Col. William Segun, maaaring simulan sa mga kompanyang pag-aari ng South Koreans, sapagkat sa aking pagkakaalam napaka-aktibo ni Dennis sa paggabay sa mga unyonista ng mga kompanyang pag-aari ng South Koreans nitong mga nakalipas na buwan.

Naging paksa ko pa sa kolum ko ang mga kontra-manggagawang ginagawa ng mga ­kapitalistang dayuhan sa Cavite Economic Zone.

Kapag natukoy ng mga tauhan ni Segun ang pumaslang kay Dennis, lawakan pa ang imbestigasyon hanggang matukoy at mahuli ang mga kapitalistang may kinalaman sa pagpatay sa kanya.

Tahasang kinondina ng Nagkaisa Labor Coalition na pinamumunuan ni Atty. Jose Sonny Matula ang “brutal” na pagpas-lang kay Dennis.

Ang Nagkaisa ay nanawagan ng katarungan sa pagpaslang kay Dennis.

Ako, na matagal nang kakampi ng uring manggagawa, ay nananawagan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite, sa pangunguna ni Col. William Segun, na hulihin ang mga kapitalistang nagpapatay kay Sequeña.

Huwag namang balewa-lian at maliitin ang pagkamatay ni Dennis, sapagkat ika-43 na siyang tagapagsulong at tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga manggagawa na napatay sa panahon ni Duterte.

Huwag namang gawing karagdagang bilang sa istadistika ng mahigit 40 lider-manggagawa at organisador ng mga manggagawa na hindi natukoy at naparusahan ang mga kapitalistang nagpapatay sa kanila.

Hindi ko kilala si Dennis, ngunit nakapanayam ko siya sa pamamagitan ng cellular phone noong Abril hinggil sa mga anti-manggagawang patakarang pinaiiral sa Jisoo garments at ­Daegyoung apparel na nakabase sa Cavite.

Naglinaw ako ng ilang punto tungkol sa binabanggit sa kalatas ng PM tungkol sa dalawang kompanyang pag-aari ng South Koreans.

Minabuti kong kontakin si Dennis bago ko talakayin ang laman ng kolum kong may pamagat na “Igalang ng Jisoo Garments at Daegyoung ­Apparel ang mga Karapatan ng mga Manggagawa.”

Hanggang ngayon, lubos akong naniniwala na walang saysay ang pagpapapaslang ng mga kapitalista sa mga lider-manggagawa at organisador ng mga manggagawa, sapagkat hindi matitigil ang paglaban at pakikibaka ng mga manggagawa kahit saang panig ng mundo hangga’t umiiral ang sistemang kapitalismo. (BAKBAKAN NA / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment