‘HULIDAP’ NAMAN SA DROGA SA MAYNILA

BAKBAKAN NATIN

APAT na miyembro ng Manila Police District (MPD) ang nahuli ­kamakailan sa isang entrapment operation ng Internal ­Monitoring Enforcement Group (IMEG) ng ­Philippine National Police (PNP) kaugnay sa reklamong “hulidap”.

Ang ibig sabihin ng hulidap ay hinoholdap o hinihingian ng mga kriminal na pulis ang suspek nila sa ilegal na droga ng ­kalahating milyon ­hanggang isang milyon, depende sa hitsura ng suspek.

Sa pinakabagong kaso ng hulidap, ang ­unang hiningi ng apat na pulis na ito na nakadestino sa Baseco Compound, Maynila, sa asawa ng suspek ay P500,000 kapalit ang paglaya ng suspek sa ilegal na droga.

Siyempre, hindi ­kayang ibigay ng pamilya ng suspek ang P500,000 sapagkat mahirap ang pamilyang ito.

Nagsumbong ang asawa ng suspek sa IMEG na nakabase sa Camp Crame.

Ang naging diskarte ay kausapin ng asawa ng suspek ang mga pulis upang hilinging ibaba sa P200,000.

Matapos ang walang patid na pakikipag-usap, pumayag ang mga pulis ng Baseco Compound sa P200,000.

Huling-huli sa akto ng operatiba ng IMEG ang apat na pulis.

Hindi na bago ang hulidap sa PNP. Marami nang naganap na hulidap noon pa man.

Tapos, pumasok ang operasyong “agaw-bato”. Sa agaw-bato, ninanakaw ng mga pulis ang napakalaking bulto ng shabu na nakumpiska nila sa drug lord o drug runner.

Mula rito, kikita ang mga kriminal na pulis ng milyon-milyong halaga.

Ang nakadidismaya nang todo-todo sa pagpasok ng mga pulis sa ilegal na droga ay hindi tuluyang nalinis noong ang hepe ng PNP ay si Ronald “Bato” dela Rosa at ­maging sa panahon ni General Oscar Albayalde.

Sa panahon ni Dela Rosa, talagang madugo ang kampanya laban sa droga. Maraming namamatay.

Nagpatuloy ang kampanya sa panahon ni Albayalde, ngunit hindi na gaanong madugo. Ang tinutukan ni Albayalde ay “internal cleansing” ng PNP.

Ngunit lumabas sa imbestigasyon ng ­Senate Blue Ribbon ­Committee ay hindi isinama sa ­internal cleansing ang ­labingtatlong pulis ng Pampanga na sangkot sa agaw-bato sa Mexico Pampanga noong ­Nobyembre 2013.

‘Yun pala, ­provincial director ng pulisya ng Pampanga si ­Albayalde nang maganap ang ­pagnanakaw ng tinatayang 160 kilong shabu na ang halaga ay P640 milyon.

Hanggang ngayong taon ay nakapuwesto pa ang sinasabing 13 ‘ninja cops’ sa iba’t ibang lalawigan sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, ­Laguna, Batangas, Rizal at ­Quezon).

Natanggal lang ang apat sa labingtatlo nitong Oktubre nang madiskubreng kasama sila sa kuwestyonableng drug ­operation sa Antipolo City noong Mayo.

Sa hulidap na naganap sa Baseco Compound, pinatutunayan lamang na nagaganap pa rin ang bentahan ng ilegal na droga kahit minsang nang ipag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagsugpo rito.

Pinatutunayan din na hindi tumitigil ang ilang pulis sa kriminal na gawaing hulidap.

Kaya hindi matapos-tapos ang paglilinis sa PNP.

Napakalaking hamon sa susunod na Chief PNP ang gawain, tungkulin at obligasyong ito.

Ngunit kung ako naman si Pangulong Rodrigo Duterte, italaga niya ang tapat, totoo at mapagpasya kung umaksiyon sa paglilinis sa nawasak na ­kredebilidad at imahe ng PNP.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment