HINDI LANG MAYNILA, SANA SA BUONG BANSA

ITO ANG TOTOO

MAAGA pa para sabihing matagumpay nga ang determinadong paglilinis ng bagong ma­yor ng lungsod ng Maynila na si Isko Moreno.

Ito Ang Totoo: ilang beses nang nagtangka ang mga naunang admi­nistrasyon na linisin ang Divisoria, Quiapo at iba pa pero naiiba ang estilo ni Isko, bagay na hinahangaan ng marami.

Marami ang natutuwa, meron ding hindi, lalo na ang mga apektadong vendor at kanilang mga pamilya.

Isa na tayo sa natutuwa dahil ipinatutupad ni Mayor Isko ang tama, ang pagsunod sa batas at patakaran para magkaroon ng kaayusan.

Ito Ang Totoo: dapat lahat ng mayor sa buong bansa ay kagaya niya.

Hindi dapat hinahayaang mamayagpag ang mga illegal vendor, una, dahil illegal nga, pangalawa, dahil nagbubunga ng kawalan ng kaayusan, pangatlo, pinagmumulan ng corruption sa pamamagitan ng mga tong at collection, at pang-apat, nagtatanim ng maling pananaw na pwede naman pala baliin ang batas.

Marami kasing ma­yor na kunwari naaawa sa mga vendor, pero ang totoo, iniisip nila ang kita sa koleksiyon, at boto sa darating na eleksiyon.

Ito Ang Totoo: sa Divisoria at ibang pa­nig ng bansa, ang mga may puwesto sa loob ng palengke ay sila rin ang mga may puwesto na sumasakop na sa lansangan.

Kaya kung tutuusin, hindi naman nila kailangang okupahan ang lansangan na para sa mga motorista at pedestriyan.

Iyon namang mga walang puwesto sa palengke, kahit pa bali-baliktarin ang mundo, hindi dapat bumabara sa kalsada para makapagtinda ng kung anong inilalako nila.

Ito Ang Totoo: susundan natin kung magiging tuloy-tuloy ang mga inisyatibo ni Isko Moreno sa pag-sasaayos ng Maynila, at titingnan natin ang mga mayor ng iba’t ibang bayan at lungsod sa bansa.

Kung kaya ni Isko, hindi kaya nila kaya? Hindi ba nakakahiya naman?

Sabi nga ni Isko, kapag nakabalik ang mga illegal vendor ay ma­ngangahulugang nalagyan na siya.

Kaya lumalabas, itong mga mayor na ang nasasakupan ay naglipana ang illegal vendors, isama na natin ang illegal parking, malamang tumatanggap ng tong o koleksiyon. Kung hindi eh bakit walang aksiyon? Ito Ang Totoo!  (ITO ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment