HINDI DAPAT IKUMPARA SI MAYOR ISKO MORENO KAY PRES. DUTERTE

CHRISTIAN BOMB

HUMANGA ang publiko sa ipinakitang reporma ni Mayor Isko Moreno, lalo na ang pagpapaalis niya sa mga illegal vendor sa mga pangunahing kalsada ng Maynila.

Dahil pinag-uusapan ngayon ng publiko ang political will ni Mayor Moreno, ay nagpakalat sa social media, partikular sa Facebook ang mga propagandista ng gobyerno na ikinukumpara si Mayor Moreno kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Mali na ikumpara si Mayor Moreno kay Pangulong Duterte dahil magkaiba sila ng pananaw sa iba’t ibang isyu.

Inalis ni Mayor Moreno ang mga illegal vendor sa mga kalsada dahil nakaaabala sila sa mga motorista, pero base sa mga lumalabas na larawan sa social media, sa Davao City na siyang lugar ni Pangulong Duterte ay may mga nagtitinda sa mga kalsada.

Kilalang human rights violator si Pangulong Duterte dahil sa madugong drug war nito at patunay na iniimbestigahan na ng International Criminal Court (ICC) ang extrajudicial killings o EJK sa Pilipinas, samantalang sa panig ni Mayor Moreno ay nagpakita agad ito ng pagpapahalaga sa karapatang-pantao nang sabihing suportado niya ang war on drugs, basta’t walang magaganap na paglabag sa human rights ng mga taga-Maynila.

Buong tapang din na sinabi ni Mayor Moreno na kanyang ipahuhuli, kakasuhan, iba-ban at ipade-deport ang mga Chinese na mambabalahura at mang-aabuso sa Maynila, na kabaligtaran naman kay Pangulong Duterte na nagpapakita ng takot sa China kahit hina-harass at binu-bully ng Chinese Coast Guard (CCG), Chinese militia at mga mangingisdang Chinese ang mga mangingisdang Pilipino sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Nagpalabas na rin ng kautusan si Mayor Moreno na tanggalin ang lahat ng mga pangalan ng politiko sa mga eskuwelahan, tulay, kalsada at iba pang imprastraktura na nasa Maynila, pero si Pangulong Duterte ay walang ipinag-utos na ganito.

Iyang mga isyung iyan ay pagpapatunay na hindi magkatulad sina Mayor Moreno at Pangulong Duterte kaya’t mali na ikumpara ng mga propagandista ng gobyerno na iisa ang uri ng kanilang pamamalakad sa posisyon.

Kapag nagpatuloy ang magagandang ginagawa ni Mayor Moreno sa Maynila at dahil magkaiba naman ang istilo ng pamamahala niya sa local government at pamamahala ni Pangulong Duterte sa national government ay baka ito pa ang maging dahilan upang hilingin ng taumbayan sa Manila mayor na tumakbong Presidente at banggain ang sinomang mamanukin ng administrasyong Duterte sa 2022 Presidential election. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment