HIGIT P17B PORK BARREL ILAAN SA MGA PASYENTE

BAKBAKAN NATIN

NAPAKARA­MING nakaratay na mga pasyente na pawang mahihirap sa mga pampublikong ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa araw-araw.

Ngunit, kahit sa pampublikong ospital na ginagamot ang mga pas­yente, malaki pa rin ang kanilang babayaran.

Ang sinasabi nating malaki ay hindi isang li­bong piso ang halaga kundi mahigit P50,000 hanggang mahigit P100,000 ang babayaran.

Syempre, hindi sila makalalabas ng ospital kapag hindi nagbayad ng kahit magkano bilang paunang bayad, tapos magbibigay na ng “promis­sory note” na babayaran ang balanse sa takdang araw na hindi lalampas sa isang buwan mula sa paglabas ng pasyente sa ospital.

Napakalaking problema talaga ng mahihirap kapag sila ay nagkakasakit dahil sa sobrang mahal ng presyo ng mga gamot.

Ano pa kaya kung sila ay maospital ng ilang araw.

Naniniwala akong malaki ang maitutulong ng mga mambabatas sa kanila.

Ang bawat isa sa 24 na mga senador ay P200 milyon ang pork barrel bawat taon, samantalang P100 milyon naman sa 305 kongresista.

Bawasan natin ng kalahati ang P200 mil­yon ng mga senador at pagsama-samahin natin itong lahat ay aabot sa P2,400,000,000.

Kung P50 milyon naman ang ibabawas sa pork barrel ng bawat kinatawan ng mababang kapulungan ng Kongreso ay aabot ito sa P15,250,000,000 sa kabuuang lahat.

Kung pagsasamahan natin ang dalawa ay aabot ito sa kabuuang P17,650,000,000.

Napakalaking halaga nito upang maging pondo upang tulungan ang libu-libong pasyente, kundi man, milyun-milyon.

Sa pondong ito kukunin ang pambili ng mga gamot, bayad sa paggamit ng kuwarto mula sa ilang araw na pagkakaospital ng mga pasyente, bayad sa mga doktor at iba pang bayarin.

Kung mayroong pondong nakatabi para sa kanila, siguradong wala nang iintindihing iba pa ang mga kamag-anak ng mga pasyente kundi bantayan, asikasuhin, alagaan at magdasal sa Panginoong Diyos upang mapabilis ang paggaling ng mga may sakit.

Hindi ba’t maganda ang ganitong ideya?

Alam kong maraming mambabatas na sasabihing mali at isang napakalaking kalokohan ang nasabing ideya, sapagkat P50 milyon ang mawawalang pera sa mga kongresista at P100 milyon naman sa mga senador.

Mas mainam ang binabanggit ko kaysa makurakot lang ang pork barrel ng mga mambabatas na matatakaw sa pera. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment