HAZING SA PMA

yourservice

NAULIT. Akala ko wala na ang hazing sa ating mga paaralan pagkatapos ng kaliwa’t kanang pagkamatay ng mga initiates. Mas nakagugulat ang pagkamatay ng isang plebe sa loob ng premyadong institusyon ng ating militar — ang Philippine Military Academy. Unang lumabas sa balita — tila isang simpleng kasong medikal lamang.

Ngunit pagkatapos ng pagsusuri ng kapulisan sa pagkamatay, ito pala’y sanhi ng hazing dulot ng tinatawag nating “blunt force trauma” na likha ng pagpapahirap sa kanya ng kanyang mga kapwa kadete sa loob ng PMA.

Dinala raw siya, ayon sa ulat na aking nabasa, sa PMA Hospital ngunit pinabalik din ng mga doktor doon dahil iba ang kanilang resulta ng pagsusuri. Di kalaunan ay nagsuka na ang biktima at natagpuan na lamang patay sa kanyang higaan.

Hindi ko alam kung ako’y malulungkot, matatakot, maiinis, magagalit o mabubuwisit sa pangyayaring ito. Akala ko naman ay wala nang hazing sa PMA o kung meron man ito’y resonable o inalis na ang pagpaparusa sa katawan ng plebe. Mali pala ako. At sa rea­lisasyong ito — mayroon pa rin kayang hazing sa ating mga paaralan — pribado man o pambubliko? Hindi na ba talaga natin ito mabibigyan ng solusyon at maghihintay na lamang tayo ng susunod na biktima?

Sigurado ako na magiging laman na naman ng mga pahayagan ang insidenteng ito — sa te­lebisyon, sa mga panayam sa ating mga opisyal ng PMA at siguro magi­ging laman ito ng imbestigasyon sa Kongreso. Hanggang ito’y malimutan muli at mapalitan ng ibang insidente na bibihag ng atensyon ng publikong Pilipino.

Sapat na ba ang ating batas tungkol sa hazing? Bakit tila hindi natatakot ang mga gumagawa pa nito? Saan nagkulang ang ating batas laban sa ha­zing? Nagkulang nga ba?

O ang dapat nating tignan ay ang mga nagpapatupad ng mga probisyong ito sa loob ng kani-kanilang paaralan? Mga tanong. Kay daming tanong. Habang naghihintay tayo ng sagot, unti-unting nadaragdagan ang mga biktima ng hazing.

Sa aking munting palagay, normal lang ang mga ganitong kaugalian at gawain sa loob ng isang institusyong militar — ngunit meron itong hangganan. Hindi maa­ring gawing palusot ang aktibidad na hazing upang walang awang parusahan ng pisikal ang isang plebe. Walang karapatan ang sinoman na manakit. Tila nawala na sa ating mga kabataan ang tunay na hangarin ng hazing noon — ang pagpapatibay ng kalooban, at katatagan ng karakter ng isang tao — upang maging tapat at karapat-dapat maging bahagi ng isang grupo. Hindi pananakit ang susi ng pagtanggap sa grupo, kundi kung papaano mo maipakikita ang iyong tibay ng damdamin, tapat na saloobin at ang uri ng iyong pagkatao sa harap ng krisis o suliranin.

Siguro naman may ibang paraan upang malaman natin kung karapat-dapat maging kaanib o miyembro ang isang neophyte o plebe sa isang orga­nisasyon, kapulungan o fraternity. Naniniwala ako na maaring humanap ng mga makabagong paraan — mga intelehenteng paraan — upang makapagpasya ang iba’t ibang organisasyon, fraternity, sorority, o kapulungan imbes na gumamit pa ng isang makalumang kagawian tulad ng hazing. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment