HAMON SA MANILA WATER AT MAYNILAD

BAKBAKAN NATIN

IKALAWANG beses na ngayong taon na may problema sa tubig sa Metro Manila.

Kaso, ang nagaganap ngayong buwan ay mas masahol kaysa sa naunang problema, sapagkat Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services, Inc. na ang sangkot dito.

Ibig sabihin, higit na maraming negosyante at residente ang apektado ng kakapusan ng suplay ng tubig.

Hindi tulad noong Pebrero hanggang Abril, mga kustomer lang ng Manila Water ang may problema sa tubig, kabilang na kami.

Sabi ng pamunuan ng Manila Water at Maynilad Water Services, Inc., ang problema sa tubig sa Metro Manila ay resulta ng limitadong pinagkukunan nila ng tubig.

Anila, hanggang nga­yon ay Angat Dam lang ang pinagkukunan nila ng tubig na kesyo kaunti lang ang naiipon dahil bihira namang umulan.

Ginagawa naman daw ng dalawang water concessionare ang lahat ng paraan upang matugunan ang pangangailangan ng milyun-milyon nilang kliyente.

Kaso, ang iwinawasiwas nilang dahilan ay hindi pa rin kaya ng dalawang kumpanya ang dami ng kailangang tubig ng mga negosyante at residente sa Metro Manila.

Kaya, ang solusyon ng dalawa ay magbawas ng distribyusyon ng tubig sa kanilang milyun-milyong kliyente.

Naniniwala ang pamunuan ng Manila Water at Maynilad na matagal pang magiging stable ang distribusyon ng tubig sa lahat ng kanilang kliyente sa Metro Manila.

Ang masama rito ay tumaas ang singil nila nitong nakalipas na buwan.

At nagpaplano pang sundan ito ng panibagong karagdagang singil matapos ilabas ng Korte Suprema ang pinal nitong desisyon hinggil sa paglabag sa Republic Act No. 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004.

Sa desisyong inilabas nitong Oktubre, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nag-uutos sa Manila Water at Maynilad na magbayad ng P921.5 milyon bawat isa dahil sa paglabag nila sa R.A. 9275.

Dahil sa nagbabad­yang tumaas uli ang sini­singil ng dalawang kum­panya sa kanilang mga kliyente, walang dudang karagdagang pahirap na naman ito sa kanilang mga kustomer.

Ang karagdagang singil ay pagpapakita ng sobrang kalupitan ng dalawang water concessionaire sa kanilang mga kustomer, sapagkat lumi­litaw na ipinapasa nila ang parusa ng Korte Suprema.

Kaya, ang magdurusa at mababawasan ng pera ay hindi ang Manila Water at Maynilad, kundi ang milyun-milyon nilang kustomer.

Habang nakarara­ting sa mamamayan ang masamang balitang ito, mahina naman ang tubig na dumarating sa kanilang bahay.

Hindi nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong masamang balitang ito tungkol sa tubig.

Kaya, tahasang binalaan ni Duterte ang pamunuan ng dalawang kumpanya na posibleng tapusin ang kontrata ng pamahalaan sa kanila kapag patuloy silang pumalpak.

Nagsimula ang operasyon ng Manila Water at Maynilad noong 1997 bilang solusyon sa “water crisis” noong panahon ni Fidel Ramos.

Mula noon hanggang ngayon, napakalaki na ang kinita ng dalawang higanteng kumpanya.

Kaya, ang babala ni Duterte ay malaking hamon sa kanila upang tapusin ang problema sa distribusyon ng tubig.

Kaya, huwag nilang gamiting palusot sa kanilang palpak na serbisyo ang limitadong tubig ng Angat Dam. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment