HABANG TAYO AY PAUWI, SILA NAMAN AY PAPASOK!

GO FOR GOLD final

HINDI maalis sa kanila na mag-alala. Iniwan nila ang kanilang pamilya sa kasagsagan ng isang bagyo na maaaring ikapahamak ng kanilang mga mahal sa buhay. Kay hirap, lalo na para sa isang padre de pamilya, na wala sa bahay para sa kanyang pamilya sa oras ng peligro. Lalo na palapit na ang isang bagyong humahatak at nagpapalakas sa Habagat sa ating bayan.

Sino ang magbibigay ng lakas ng loob sa mga takot na bata? Sino ang mangunguna sa pagtaas ng mga gamit? Sino magdedesisyon pag kritikal na ang sitwasyon? Sino ang gagabay sa paglikas? Sino ang poprotekta sa kanilang pamilya? Sino ang magbabantay sa mga gamit na naiwan sa bahay?

Sa panahon na kritikal ang pagiging buo ng isang pamilya, ay siya namang panahon na kailangan nilang iwanan ito para magsilbi sa bayan.

Marami sa kanila, hindi kilala, tila mga walang pangalan na di maaalala kapag tapos na ang peligro. Iilan lang silang nagsasakripisyo para ang karamihan sa atin ay makatulog nang mahim­bing. Iilan lang sila na iiwanan ang pamilya sa oras na pinakakailangan sila nito.

Habang milyun-milyon sa atin ang magkayakap sa kaligtasan ng ating mga pamilya at proteksyon ng ating mga kabahayan, iilan lang ang mga bayaning ito na mag-isang basang-basa at nanginginig sa lamig habang nakabilad sa panga­nib at posibleng sakuna.

Sila ang mga ope­ratiba ng bawat lungsod, munisipyo, at ahensya ng pamahalaan na may kina­laman sa disaster at relief operations. Sila ang bantay sa ilog, ang operator ng pumping station, ang driver ng mga rescue vehicle, ang mga tao sa Central Command Center, ang mga nagtatrapik sa lansangan, ang mga sundalo at pulis na nakaantabay, ang naghahanda at nagluluto ng mga kakainin sa magdamag, ang mga tao sa evacuation center, at marami pang iba.

Kasama rin diyan ang ating mga kasama sa media na linalagare ang mga assignment na itinatawag sa kanila ng newsdesk na hindi iniisip ang sariling kapakanan.

Ngayon na panandaliang dumaan ang panganib dulot ng bagyo at habagat, mainam sana na hanapan natin ng pa­raan kung paano natin pasasalamatan ang mga bayaning ito – na itinaya ang kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay para makasama ng karamihan ang kanilang pamilya sa mga pinaka-kritikal na oras ng bagyo.

Sa amin sa Marikina, personal na nakatutok sa kaganapan ang City Administrator na si Ryan Salvador at mga kababayan namin na bumubuo ng Marikina City Rescue 161 tulad ni Citas De Vera, ang MCDRRMO, si Lou Navarro at mga kasama namin dati sa Marikina PIO, Colonel Josef at mga tao niya sa OPSS, si Engr. Ken Sueno at mga tauhan ng Engineering Dept., atbp.

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat sa buong Pilipinas! (GO FOR GOLD / PAUL SISON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment