GISAHIN SINA SY JR. AT COYIUTO JR. SA KONGRESO HINGGIL SA NGCP

BAKBAKAN NATIN

NGAYONG mayroon tayong matapang at may ‘bayag’ na pangulo ng bansa laban sa mga oligarko mula nang mawala sa Malakanyang si Ferdinand Marcos Sr. noong Pebrero 1986, nararapat lamang na busisiin at imbestigahan nang husto ng mga kasapi ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kontrobersiya tungkol sa pagiging kasosyo ng kumpanya o consortium na mayroong kontrol sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mismong pamahalaan ng People’s Republic of China.

Magandang pagkakataon itong hindi dapat palampasin ng mga senador at kongresista kumpara sa panahon nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal – Arroyo at Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, na pare-parehong sagad-saring kumampi sa mga oligarko.

Sa panahon ni Arroyo napasok ng Oro Grid Resources Corporation (MOGRC) na pag-aari ni Henry Sy Jr. at ng Calaca High Power Corp. (CHPC) na pag-aari naman ni Robert Coyiuto Jr., ang NGCP.

Nasa kabuuang 60 porsiyento ang kontrol nina Sy Jr. at Coyiuto Jr. sa NGCP, samantalang ang natitirang 40% ay pag-aari naman ng State Grid Corporation of China (SGCC).

Ang may-ari ng SGCC ay ang estado ng China.

Sa esensya, ang ibig sabihin nito ay pag-aari ng iilang opisyal ng Chinese Communist Party (CCP) ang SGCC, sapagkat ang pamahalaan ng China ay kontrolado at pinamahalaan ng isang pangkat ng mga kadre ng CCP, na pinamumunuan ngayon ni Pangulong Xi Jinping.

Samakatuwid, ang 40 porsiyentong pag-aari ng pamahalaan ng China ay pag-aari rin ng isang pangkat ng mga pinuno ng partido komunista ng China.

Sa kolum ko noong Disyembre 1, nabanggit kong ang kumpanya o consortium ng MOGRC ni Sy Jr., CHPC ni Coyiuto Jr. at SGCC ay mayroong 25-taong concession contract at 50-taong haba ng kontrata sa prangkisa upang patakbuhin at pamahalaan ang sistemang elektrisidad sa Pilipinas batay sa Republic Act No. 9511.

Ipinasa ang R.A. 9511 ng Kongreso noong 2009 at nilagdaan ni Pangulong Macapagal-Arroyo.

Siyempre, mula noon ay kumikita na bilyun-bilyon kada taon ang NGCP mula sa -kuryenteng isinusuplay nito sa mga kumpanyang distribyutor ng elektrisidad sa bawat bahay tulad ng Manila Electric Company (Meralco) sa Metro Manila.

Kaya mula noon ay bilyun-bilyon din kada taon ang kinikita nina Sy Jr. at Coyiuto Jr. mula sa elektrisidad.

Bilyun-bilyon din ang ipinapadalang tubo ng SGCC sa pamahalaan ng China. At tatagal pa ito ng napakahabang mga taon.

Nakakaalarma ang direktang pagpasok ng kumpanyang pag-aari ng pamahalaan ng China sa negosyo ng elektrisidad sa Pilipinas, lalo pa’t ang pamahalaang ito na kontrolado ng pangkat ng mga pinuno ng CCP ay matagal nang gigil na gigil na sakupin at angkinin ang substansiyal na bahagi ng bansa.

Naniniwala akong hindi maaaring hanggang pagsisiwalat at ‘muling pagbuhay’ ni Senador Ana Theresia “Risa” Hontiveros sa 40% kontrol ng China sa NGCC lamang umabot ang napakakontrobersiyal na isyung ito.

Kailangan at obligadong gisahin ng dalawang kapulungan ng Kongreso sina Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr. hinggil sa pagiging kasosyo nila ang SGCC sa NGCP.

Kailangang komprontahin din ng mga mambabatas ang mga Intsik na sina Zhu Guangcha, chairperson ng NGCP; Wen Bo, chief technical officer; at Liu Zhaoquiang, assistant chief technical officer for operations and maintenance ng NGCP.

Malalaman natin kung mayroong mga ‘bayag’ ang mga senador at kongresista na imbestigahan, komprontahin at gisahin nila ang mga bilyonaryong sina Sy Jr. at Coyiuto Jr. at ganoon din ang mga komunistang itinalaga ng pamahalaang China sa SGCC upang patakbuhin at pamahalaan ang NGCP.

Tingnan natin kung kayang supalpalin ng mga senador at kongresista ang mga binanggit kong tao tulad nang ginagawa nila sa mga opisyal ng pamahalaan tuwing magkakaroon ng imbestigasyon sa Senado at Kamara de Representantes sa mga anomalya at iskam na nagaganap sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tumawag o mag-text na sa 0998 – 565 – 0271 (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment