GINAWANG LARO NG BASKETBALL ANG PROBLEMA SA DROGA

yourservice

LUMALALA pa rin and problema natin sa illegal na droga. Pagkalipas ng i­lang taon — tila lumala ang problema. Pagkatapos ng napakaraming operasyong “tukhang”, ang pagkamatay ng napakaraming indibidwal na and sabi’y sangkot sa pagkalakal at paggamit ng illegal na droga — ay maririnig natin mismo sa ating pangulo na nagkamali siya sa pagdeklara noon na kakayanin niya supilin at solusyunan ang problemang ito sa loob lamang ng anim na buwan. And deklarasyong ito’y ibinigay matapos din nating matanggap ang naunang deklarasyon na mahihirapan din and pamahalaang ito sa problema sa trapik sa EDSA. Ngayo’y maririnig natin na inaa­lok na sa pangalawang pangulo ang hamon at oportunidad na maging traffic czar.

Sa ngayon — laman na ng ating mga pahayagan at maging sa social media ang usaping ito — maging ang mga tao at supporter ng bawat panig ay nagsisali na sa usapin, para lamang tayo nasa paligsahan, kumbaga kanya-kayang pagbubuyo ng manok sa isang sabong.

Nakalulungkot mang isipin na ganito na ba tayo? Ginagawa na lamang ng nakararami nating mga kababayan na isang laro, isang paligsahan — isang sabong ang mga isyu at problema ng ating bansa. Tila mas gusto pa natin makita, marinig, masaksihan ang palitan ng mga maaanghang na salita mula sa dalawang panig kesa magkaisa tayo para mabigyang lunas ang hiniharap nating problema.

Hindi din ito laro o paligsahan sa pagalingan — tandaan ito’y tungkulin ng pamahalaan at kailan man hindi dapat gawing plataporma upang magpataasan ng ihi o yabang sa isa’t isa. Ang mga personalidad na nagsisali sa usapin ay karamiha’y opisyal ng ating pamahalaan. Ano ‘to? Parang mga high school na nagyayabangan? Matatanda na tayo — siguro naman mas mainan na magtrabaho na lamang tayo. Ang hirap kasi sa karamihan, mas inu­una o inaalala ang manatili sa kanilang trabaho kaysa gawin ang kanilang trabaho. Hindi atin ang posisyong a­ting kinalalagyan ngayon kundi ito’y bigay ng taong bayan — at niluklok kayo sa pwesto at sa poder ng kapangyarihan upang gampanan ang sinum­paang tungkulin na pagli­lingkuran ang bayan.

Sa aking munting palagay — problema na­ting lahat ang problema sa illegal na droga. Hindi ito problema ng iilan lamang kundi ng lahat — ikaw, ako, sila — tayong lahat. Hindi ito isang laro na maari nating gawing isang libangan sa social media. Lalong-lalo na hindi dapat nating ituring na isang laro na maaari nating ipasa ang responsibilidad sa iba, parang isang bolang ipinapasa sa larong basketball.

Itigil na natin ang pasa­ringan at umpisahan na na­ting gawing tama ang ating trabaho. Maglatag na tayo ng isang makabuluhan at makatotohanang plano upang maharap at mabigyang solusyon ang lumalaking problema sa illegal na droga.

Mas nakakatakot na ang problema natin dito sa kadahilanang ngayon na natin nakikita sa sangkot sa illegal na gawaing ito ang ilan sa mga tiwaling pulis. Hindi lamang iilan — kundi nakikita natin na ito’y isang gawaing laganap saan man sa ating bansa, at saang hanay ng kapulisan. Imbes na nagkaroon tayo ng pagkakataon noon na magkaroon ng isang tunay at makataru­ngang kampanya laban sa illegal na droga — salungat dito ang nangyari — nagkaroon ng pagkakataon ang mga tiwa­ling pulis na magpursige sa kanilang mga maling gawain at tuluyang maging kriminal. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment