GEN. CARRANZA BITBIT NI ‘GEO’ SA ILIGALIDAD

BAKBAKAN NATIN

ALAM nating lahat na napakatalamak ng iligalidad sa Rehiyong Calabarzon ­(Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) o Region 4 – A.

Lahat ng uri ng iligal na sugal ay matatagpuan sa mga lungsod at munisipalidad ng limang malalaking lalawigan sa Calabarzon.

Nariyan ang jueteng na nagtatago sa small town lottery (STL) ng ­Philippine ­Charity Sweepstakes Office (PCSO), pergalan, saklaan at video karera.

Ang matindi rito ay ginagamit na ‘prente’ ang saklaan at video karera ng bentahan ng iligal na droga.

Napakalaking ­kasinungalingan kung itatanggi ng mga opisyal at kasapi ng Philippine National ­ Police (PNP) ng ­Calabarzon na laganap ang iba’t ibang uri ng iligal na sugal sa ­Calabarzon.

Kahit napakalala, hindi aktibong kumikilos ang PNP sa Calabarzon na pinamumunuan ni Brig. Gen. Edward Carranza laban sa mga gambling ­operator sa rehiyon.

Hindi na nga aktibo sa iligal na sugal, mukhang hindi rin masigla si ­Carranza pati sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Bakit ganito ang mistah ni General ­Oscar ­Albayalde sa ­Philippine Military Academy (PMA)?

Sinadya bang magpabaya ng PNP sa Rehiyong Calabarzon upang samantalahin ang iligal na sugal sa nasabing rehiyon?

Sa ganitong pangyayari, malayang-malayang nakakaikot ang isang tao na “Geo” ang alyas.

Bitbit ng alyas Geo na ito ang pangalan ni Carranza sa pag-iikot sa lahat ng iligal na pasugalan mula Cavite hanggang Quezon upang ­mangolekta ng lingguhang tara.

Kahit ang mga iligal na pasugalang prente ng iligal na droga tulad ng mga saklaan at video karera ay pinupuntahan at kinukuhaan ni alyas Geo ng lingguhang padulas.

Walang gumagalaw kay Geo na kahit sinong opisyal ng pulisya sa ­alinmang lalawigan sa Region 4A kahit lantaran itong tumatanggap ng lingguhang tara gamit ang ­pangalan ni­ Carranza.

Alam kaya ni Brig. Gen. Carranza na ­ipinangungolekta siya ni alyas Geo?

Upang matigil ang kasamaan ni alyas Geo, walang ibang dapat gawin si Carranza kundi ipahuli itong si Geo na walang takot kung gamitin ang ­pangalan niya sa pag-ikot at ­pangungolekta sa lahat ng iligal na pasugalan sa buong Rehiyong ­Calabarzon.

BAKIT HINDI HINUHULI NG CIDG – ­CALABARZON SI ALYAS ZALDY?

ITONG si alyas “Zaldy” ng Cavite ay mayroong saklaan sa Cavite Cockpit Arena, ngunit hindi ito ipinatitigil ni Col. William Sagun.

Kahit lantaran ang saklaang ito ni alyas Zaldy ay walang puwedeng gumalaw o magpasara rito, kahit si ­Sagun pa ang hepe ng PNP sa Cavite.

Ang impormasyong nakarating sa BAKBAKAN NATIN! ay kolektor ang alyas Zaldy na ito ng ilang ‘iskalawag’ na pulis ng Task Force Maverick ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Rehiyong Calabarzon.

Si alyas Zaldy ang nangongolekta at tumatanggap ng lingguhang tara ng mga iskalawag sa Task Force Maverick mula sa mga gambling operator sa Calabarzon.

Hindi binanggit ng nagparating ng imporma-syon kung si alyas Zaldy na rin ang kumokolekta sa mga iligalidad sa buong Calabarzon.    (BAKBAKAN NATIN / Nelson S. Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment