GAMITIN ANG ISIP, HUWAG PADALA SA AGOS

TINIG NG MANGGAGAWA final

ELEKSYON na sa Lunes. Handa ka na ba?

Alam mo na ba kung sino-sino ang mga isusulat mo sa balota?

Napakahalaga ng magaganap na halalan sa Mayo 13. Hindi lang para sa ating mga ka-manggagawa kundi sa pangkalahatan.

Sana ay maging matalino na tayo sa pagpili at bigyang-pansin ang plataporma ng mga kandidato at hindi ng kung sino ang nag-eendorso sa kanila o kaninong partido sila kaanib.

Lalong huwag magpagoyo sa mga boladas ng mga kandidato.

Marami sa kanila ang paulit-ulit nang tumatakbo, hindi first timer kaya halos kilala na natin ang likaw ng kanilang bituka, ika nga.

Nitong mga nakaraang linggo ay kanya-kanya silang papogi at paganda. Hindi nawawala sa kanilang mga ibinibida ang pagtaas ng sahod nating mga manggagawa.

Totoong kailangan na ng dagdag na sahod ng mga obrero. Sabagay, marami sa atin ang sanay nang hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw.

Sanay tayong maghigpit ng sinturon dahil mula pa noon ay napapabayaan tayong mga manggagawa.

Oo nga’t nakakatsamba tayo minsan ng wage increase pero kakarampot. Utang na loob pa natin dahil pinagbigyan ng mga nasa gobyerno ang ating hiling.

Kailangan pa nating magmartsa nang magmartsa at mamaos sa kakasalita bago nila tayo pakinggan.

Yun mga panay ang bida ngayong kampanyahan na tutulungan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng P710 na taas-sahod, bantayan natin sila. At singilin natin kapag naupo na.

Huwag hayaang dumaldal sila nang dumaldal pagkatapos kapag nakapwesto na ay bye-bye na sa mga pangako.

Sa pagboto sa Lunes, isipin natin ang kapakanan at kinabukasan ng ating mga anak.

Isipin natin ang kinabukasan ng ating bansang Pilipinas.

Pag-isipan at himaying mabuti ang bawat kandidato. Tingnan ang kanilang pagkatao, plataporma at hindi ang partido o grupo para makapili tayo nang maayos at tapat na manunungkulan sa bayan.

Kung tingin mo nagkamali ka sa pagpili sa mga nakaraang halalan, ngayon na ang pagkakataon para itama ito.

Sa Lunes, maaga tayong bumoto at umuwing taas ang noo.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment