FIELD TRIP NAKATUTULONG BA SA MGA ESTUDYANTE?

BOMBAHAN NA FINAL

MASASABI nga bang educational ang isinasagawang field trip ng mga paaralan, pribado man ito o pampubliko?

May napupulot bang aral ang mga estudyante na sumasama rito?

May mga suhestiyong natanggap ang Bombahan Na mula sa silipero, na dapat itigil na ang field trip dahil wala naman daw napapala ang kanilang mga anak sa pagsama sa field trip kundi panganib lang.

Marami na kasing aksidente na nangyayari na kinasasangkutan ng mga field trip at may nagbuwis na rin ng buhay mula sa mga estudyante.

Sabi pa nga ng mga magulang, pinaganda lang ang tawag nila na ginawang “educational field trip” pero ang totoo ay wala namang natututunan ang kanilang mga anak.

Ang hindi pa maganda na ginagawa ng mga guro sa hindi nakakasama sa field trip na mga estudyante ay pinaparusahan nila.

Tulad ng pagpapagawa ng mga kung ano-anong project sa mga estudyante bilang kaparusahan sa hindi pagsama sa field trip.

Sinasabi rin ng mga guro na may plus 5 sa grade ng mga mag-aaral kapag sumama sa field trip.

Kung ano-anong pangungumbinsi ng mga guro sa kanilang mga estudyante para lang sumama rito.

Tulad na lang ang Bagumbong High School sa Brgy. 171, Zone 15, Caloocan City, ang mga estudyante na hindi sasama sa kanilang field trip sa darating Disyembre 2019 ay pagagawin ng thesis bilang kaparusahan.

Tama ba, DepEd Secretary Leonor Briones, ang ginagawang ‘yan ng mga guro?

Dahil hindi sasama sa field trip, parurusahan sa pamamagitan ng project?

Tapos papipirmahan pa sa kapirasong papel ang mga magulang na nagpapatunay na pumapayag na pasamahin ang kanilang mga anak sa field trip.

Para kung maaksidente ang sinasakyan ng mga estudyante ay lulusot kayo na pumayag naman ang mga magulang sa pagsama ng kanilang mga anak?

At hindi lang ‘yan, napakamahal pa ng kanilang singilan, P800 kada estudyante ang bayad sa fieldtrip.

“Sir, hindi po kaya pinagkakakitaan na ng mga guro ang field trip dahil sa laki ng singil nila bawat estudyante?”, tanong ng silipero ng Bombahan Na.

Hindi pa makalimutan ng Bombahan Na ang nangyaring aksidente ng bus na sinasakyan ng mga estudyante ng Bestlink School of Novaliches na nalaglag sa bangin sa Rizal at  maraming mga mag-aaral ang namatay.

Mga nasa kolehiyo na ‘yun, mas lalong delikado sa mga estudyante ng elementary at high school.

Halos hindi na mabilang ang mga namatay na estu­­dyante dahil lang sa aksidente sa field trip.

Kaya tuloy ang tanong ng nakararaming magulang, bakit hindi maipatigil ng DepEd ang field trip?Anong mayroon?

oOo

Pasabugin ang katiwalian mag-email sa joel2amongo@yahoo.com/operarioj45@gmail.com (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment