ESPEKULASYON LANG

KAAA BOOM

MISTULANG espekulasyon na lamang ang naging pahayag ni Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na patuloy na nagre-recycle ang ilang tiwaling pulis ng ilegal na droga kaya hindi maubos-ubos ang shabu sa bansa. Bakit?

Kasi sa impormasyon na ating nakuha, sa listahan ng PDEA na mga pulis ay ilan sa mga ito ang matagal nang tinanggal sa serbisyo habang ang iba ay napatay na o pinatay na.

So bakit ito nasabi ni Aquino na sinisi ang PNP sa patuloy na pagdami ng droga? Teka…teka.

Kailan na nga ba nakahuli ng big fish ang PDEA o ‘yung mga kilo-kilong shabu? Hindi ko na yata maalala kung kailan o meron man samantalang ang PNP ay sandamakmak ang narerekober na mga shabu katulad na lamang nitong  nakaraang linggo di ba P204 milyon na ha­laga ng shabu ang narekober ng National Capital Region Office (NCRPO) nang magsagawa sila ng operasyon sa Pasig City.

Nadakip si Manolito Lugo Carlos, alyas Lito and Tonge na sinasabing ‘right hand’ ng isang convicted drug lord sa Natio­nal Bilibid Prison (NBP), na ayon kay NCRPO Director Major General Guiller­mo Lorenzo Eleazar, ang nasabing suspek ang siyang promotor sa pagkalat ng droga sa buong kamaynilaan, Central Luzon at Calabarzon maging sa NBP! Ang galing ‘di ba?

Saglit, saan kaya nagmula ang kilo-kilong shabu na hawak ni Carlos? Hindi kaya may nakalusot na naman sa ating mga pantalan na droga? Hindi kaya nakalusot na naman sa Bureau of Customs (BOC)?

Sa ganang akin, hindi na dapat idiin ng PDEA ang PNP sa halip, gawin na lamang ng PDEA ang kanilang trabaho at paigtingin ang kanilang pagbabantay sa mga pa­liparan at pantalan upang masawata ang pagpasok ng droga galing sa ibang bansa o kundi naman hulihin ang mga shabu laboratory na siyang nagma-manufacture ng ilegal na droga. ‘Di ba may Tama ako?

7 pushers ‘di umubra sa QCPD PS 3

Katahimikan at kaayusan ang prayoridad ni P/Col. Ronnie Montejo, bagong talagang district director ng Quezon City Police District (QCPD) para sa lungsod at higit sa lahat para sa seguridad ng mamamayan.

Para makamit ang kampanya, binanggit ni Montejo sa kanyang inaugural speech sa pagtanggap sa posisyon noong Setyembre 17, 2019 sa change of command ceremony na ginanap sa Kampo Hen. Tomas Karingal, na naniniwala siya na ang pagpapaigting pa rin sa giyera laban sa ilegal na droga ang dapat na prayoridad.

Bukod dito, ang pagpapaigting ng kampanya sa droga ay bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Duterte, dagdag ni Montejo.

Isa sa agad na sumunod bagamat, talagang araw-araw ang ginagawang paglilinis sa kanilang area of jurisdiction laban sa droga ay ang Talipapa Police Station 3 na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Benjamin G. Gabriel Jr.

Sa pamamagitan naman ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Maj. Dondon M. Llapitan, nagresulta sa pagkakadakip ng pitong kilalang drug pusher ang kanilang isinagawang buy-bust operation, ilang oras ang nakalipas matapos magtalumpati si Montejo. Ang galing di po ba?

Ang pitong nadakip ay hindi pipitsugin kasi sila ay nasa drug watchlist ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC). KEEP UP THE GOOD WORK PNP! KAAA… BOOM! (KAAA..BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment