ERWIN TULFO, PINADEDEPOSITO ANG MGA BARIL

PANALO KA

KABILANG ang kontrobersyal na broadcaster na si Mr. Erwin Tulfo sa mga inatasan ng Firearms and Explosives Office ((FEO) ng Philippine National Police (PNP) na agarang ideposito sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya ang kanilang mga pag-aaring baril dahil paso na ang kanilang License To Own and Possess Firearm (LTOPF).

Aking napag-alaman na noong nakaraang Marso 2019 pa napaso ang LTOPF ni Mr. Tulfo, pero siguro naman ay nilalakad na niya ang renewal na madali lang namang gawin. Pero habang wala pa siyang renewal, paliwanag sa akin ng mga tauhan ng Records Section ng FEO na kailangang ideposito na muna sa PNP ang mga hawak na baril.

Sa Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), hindi ka maaaring magkaroon ng sariling baril kung wala kang LTOPF. Kung paso na ang LTOPF mo kahit na hindi pa paso ang rehistrasyon at lisensiya ng baril mo ay maituturing na itong “loose firearm”. Kaya dapat laging upda­ted ang iyong LTOPF para ‘di magkaproblema sa hawak na baril. Ito ‘yun:

Section 19. Renewal of Licensee and Registration// 19.1 . All types of licenses i.e. License to Own and Possess Firearm, Long Certificate of Registration and Short Certificate of Registration shall be renewed every two (2) years. Failure to renew the license on or before the date of expiration shall cause automatic revocation of the license and of the registration of the firearm/s under said licensee.

Muling naging kontrobersyal si Mr. Erwin Tulfo makarang mapikon ito sa kanyang programa sa radyo at pinagsalitaan ng hindi maganda si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista dahil sa hindi nito pagpapaunlak sa kanya na siya’y makapanayam live. Si Bautista ay retiradong heneral na naging commanding gene­ral ng Army at siya ang unang Presidential Security Group (PSG) chief ni Pangulong Duterte.

Una nang binawi ng Philippine National Police (PNP) ang police security escorts ng broadcaster sampu ng mga police escort ng dalawa pa niyang kapatid. Sa pagkakaalam ko, mananatili ang mga sundalong escorts ni Ramon Tulfo dahil siya’y Special Envoy to China.

Dalawang beses na ring nag-isyu ng public apology si Mr. Erwin Tulfo kay Bautista kaugnay sa pangyayari.

Sana magsilbing aral at matinding babala sa lahat ng mga kasamahan natin sa industriya ang pangyayaring ito upang ang tinatawag na “4th State” dito sa ating bansa ay hindi kamuhian ng malawak na mamamayan.

Sinabi ni FEO chief Police Brigadier General Valeriano De Leon na hindi maituturing na “panggigipit” ang babala dahil mainit ang isyu kay Mr. Erwin Tulfo dahil hindi lang naman siya ang may expired LTOPF.

“Bukod sa kanya (Erwin) ay meron pang iba. Dahil diyan, ako na mismo na nagsasabi na lahat ng may expired LTOPF ay mabuting pakideposito na muna ang inyong baril sa pinakamalapit na police station dahil maituturing nang ‘loose firearm’ ang inyong mga hawak. Nasa batas po ‘yan. Kaya, para makaiwas tayo sa pananagutan sa RA 10591 ay sumunod po tayo,” paliwanag ng heneral.

Ergo, hindi biro ang makasuhan ng illegal possession of firearm.  (PANALO KA! / FLORANTE SOLMERIN)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment