ELEKSYON NA, BAGUHIN ANG PULITIKA, IBOTO ANG TAMANG KANDIDATO

CHRISTIAN BOMB

ELEKSYON na. Sa totoo lang, mangilan-ngilan na lang sa mga kandidatong tumatakbo sa isang posisyon sa gobyerno ang nasa isipan ay tunay na pagmamahal sa bayan at ‘di ang personal na interes sa kayamanan at kapangyarihan.

Iilan na lang sa kanila ang may hangaring itama ang mga mali sa politika. O baguhin at paunlarin ang buhay ni Juan dela Cruz.

Ito ang mga tanong na dapat nating pagtuunan ng pansin bago tayo pumunta sa mga presinto upang bomoto. Pag-isipan mabuti ang mga pangalang isusulat sa ating balota.

Hindi porke siya ay nagpagawa ng ating mga kalsada, o nagpadala ng relief goods sa mga evacuation, o nagpalibing ng ating mga patay, nagpaaral ng ating anak, ninong o ninang ng ating mga apo, magaling magsalita, gwapo, artista at sikat, ay atin nang iboboto.

Ang pagboto ay katumbas ng ating kinabukasan. Gusto pa ba nating magdusa ng tatlo o anim na taon? Gusto pa ba nating magtiis na mangibang bansa para lamang may maipakain sa ating pamilya? Gusto pa ba natin na walang mananagot sa mga anomalya ng kasalukuyan at nagdaang rehimen? Gusto pa ba natin na apak-apakan ang karapatang pantao ng maliliit na mamamayan? Gusto pa ba natin ang mataas na bilihin na halos lahat tayo ay magdildil na lang ng asin? Gusto pa ba natin na ang ating mga anak ay makapag-aral man, ay di mabigyan ng tamang kaalaman at kalinga ng lipunan?

Ang lahat ng sakit ng lipunan ay kagagawan ng isang lider na mali ang patakaran, pamantayan at prayoridad. Kung ang isang lider ay tiwali, wala siyang karapatang magsugpo nito, subalit ito ay kanyang kinukunsinti upang ang sariling katiwalian ay magpatuloy. Kung ang isang lider ay nasusuhulan, siya rin ay manunuhol kung kinakailangan para sa kanyang sariling survival. Di nga ba ito ang kalakaran ng kasalukuyang gobyerno?

Pagkatapos ng halalan ay may mananalo at ang mga hinalal ay susumpa ng serbisyong bayan di lamang sa tao na kanyang kinasasakupan subalit pati na rin sa Diyos. Pero bakit pag sila ay may nagawang kabutihan tulad ng kalye, imprastraktura, nagpabahay ng mga iskwater, nagpakain ng mahihirap, ay dapat pa nating itanaw na utang na loob ito sa kanila? Bakit kailangan natin silang papurihan? Di nga ba’t ito ay kanilang sinumpaan na gagawin sa Diyos at bayan?

Pera ng bayan ang kanilang ginagamit sa mga ito, saan ngayon ang utang na loob dun?

Sa ibang bansa na ang kanilang mga lider ay nagre-resign at ang iba ay nagpapatiwakal pa dahil lamang sa mga pagkakasangkot sa katiwalian. Pero dito sa ating bayan, huli na, ayaw pang bumitiw sa pwesto ng kapangyarihan. At yung iba ay tumaas pa ang kinalalagyan! Parati nilang sinasabi, “Kung may katibayan, idulog sa tamang venue”. Ngunit anong venue ba ang dapat nating dulugan?

Di nga ba’t ito ay atin nang sinubukan? At ano ba ang nangyari? Di nga ba’t sila-sila rin ang ating sinusumbungan? Sila-sila rin ang magdedesisyon kung ito ay may katotohanan?

Hay naku Juan! may magagawa ka pa kaya?

Ito ngayon ang hamon sa ating mga kababayan. Itama ang pulitika sa bayan. Pumili ng tamang taong mamumuno.

Gamitin ang inyong karapatang bumuto na panlaban sa katiwalian. Palitan ang takbo ng politika sa Senado, Kongreso at sa lokal na posisyon upang ang buong bansa ay tuluyan nang umusad tungo sa pagbabago at kaunlaran.

Harinawa tayo ay patnubayan ng nasa itaas sa ating laban sa eleksyon na ito. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment