EJK UMINIT NA NAMAN SA UN SA PAGKAMATAY NI MYKA SA DUTERTE DRUG WAR

CHRISTIAN BOMB

UMINIT na naman ang isyung extrajudicial killings (EJK) sa Pilipinas dahil may isang bata na naman ang napatay sa drug war ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinukoy ng Human Rights Watch (HRW) ang batang pinakahuling biktima na si Myka Ulpina, 3-taong gulang na nasawi matapos mabaril sa kasagsagan ng police operation sa Rodriguez, Rizal.

Target ng operasyon ng pulisya ang ama ni Myka na si Renato, na napatay rin sa anti-drug operation ng mga awtoridad.

Ang pahayag ng pulisya, ginawang human shield daw ni Renato ang anak habang binabaril ang mga awtoridad at dahil sa palitan ng putok, kaya nadamay raw at napatay ang bata.

Hindi pinaniwalaan ng HRW ang palusot ng pulisya dahil marami na umanong pagkakataon na nagtatanim ng ebidensya gaya ng armas at iligal na droga ang mga pulis para mapangatwiranan ang pagpatay.

Dahil sa pinakabagong karahasang ito na ikinamatay ng bata, ay mahigit 24 na mga bansa ang pormal nang nanawagan sa United Nations (UN) na imbestigahan ang bloody drug war ng gobyernong Duterte.

Batay sa inihaing draft resolution ng Iceland na sinuportahan ng halos lahat ng bansa sa Europe, nanawagan din sila sa gobyerno ng Pilipinas na pigilan ang mga nangyayaring EJK sa bansa.

Ito ang kauna-unahang resolusyon na humihiling sa UN-Human Rights Council na tutukan ang nabanggit na usapin.

Sana, magpursige na ang UN-Human Rights Council na imbestigahan na ang mga patayang nagaganap sa Pilipinas.

Hindi na kasi biro sa dami ang napapatay sa drug war, na ayon sa data ng Philippine National Police (PNP) ay nasa 5,000 na ang nasawi sa paglaban nila kontra-droga, pero sa data naman ng HRW ay mahigit 27,000 na raw ang napapatay, at sa bilang na iyan, kasama na ang 3-taong gulang na si Myka.

Panahon na talagang tutukan ng UNHuman Rights Council ang isyung ito at bigyan ng babala ng anomang sanction ang gobyernong Duterte upang matigil na ang EJK at hindi na madagdagan ang mga biktima ng pagpatay, na nagdudulot pati ang mga walang muwang na tulad ni Myka ay napatay sa bloody drug war ni Pangulong Duterte.  (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment