DU30, TIWALA PA RIN KAY ALBAYALDE!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

NAKAUWI na ng bansa si Pangu­long Rodrigo Du­terte makaraan ang kanyang limang araw na official visit sa bansang Russia kung saan mainit naman itong sinalubong ng mga opisyal ng nasabing bansa kabilang na ang isa sa pinaka-makapangyarihang presidente sa buong mundo na walang iba kundi si President Vladimir Putin.

Pinagkaguluhan si Du­terte sa Russia at ma­rami sa mga banyaga ang nakipag-selfie, bukod pa sa napahanga nito ang mayayamang negosyante sa Russia at sinasabing maglalagak ng puhunan ang mga ito sa Pilipinas.

Samantala, sa unang pahayag ng pangulo ay may dalawang PNP ge­neral umano ang lumalaro sa illegal drugs, subalit kinalaunan ay binawi rin nito ang kanyang pahayag at sinabing colonel lamang ng PNP at hindi mga heneral ang sangkot sa droga at sinabi pa nitong maghintay lamang ang “ninja cops” sa kanyang pag-uwi ng Pilipinas.

Sa pag-uwi ng pa­ngulo sa bansa, nakasalalay sa kanyang mga kamay ang kapalaran ni PNP Chief Oscar Albayalde na sinasabing sisibakin na sa puwesto dahil umano sa pagkakasangkot nito sa 13 “ninja cops” na sabit sa recycling ng illegal drugs.

Halos 17 buwan na inalagaan ni Albayalde ang pamumuno sa PNP at ngayong pilit siyang isinasangkot sa “ninja cops”, ay tila mawawasak ang kanyang ipinundar na sakripisyo nang dahil lamang umano sa pulitika sa PNP.

So to make a long story short, sa pag-uwi ni Pangulong Duterte, sinabi nito sa interbyu ng media na “give me proof, that Albayalde is involved in ninja cops”. Kaya nga may posibilidad pang makabawi ang PNP sa pagkasira ng imahe nito sanhi ng sunod-sunod na hearing sa Senado.

“Probably, it has something to do with the person who wants to be the next PNP chief,” pahayag naman ni Albayalde sa media.

Samantala, habang demoralisado ang PNP, sinasamantala naman ng isang alyas “Alex Simbulan” ang pagpapalakas ng kanyang gambling empire sa buong Metro Manila lalo na sa Quezon City, Marikina at lungsod ng Maynila ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

Sa Maynila ay ipinangako ni Domagoso na walang illegal gambling sa kanyang lungsod, pero bakit namamayagpag ang EZ-2, Pares at Suwertes nito at kumukubransa umano ito ng isang milyon kada araw na malaking hamon kay MPD Director General Vicente Danao.

Hindi lamang sa Maynila malakas ang kubransa ng pasu­galan ni Alex Simbulan kundi maging sa lungsod ng Quezon at Marikina ay tumatabo rin umano ng milyones si Simbulan at tiba-tiba ang mama dahil abala ang mga pulis sa kanilang anti-illegal drugs operations.

Kapag nakarating sa kaalaman ni NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar ang talamak na pasugalan ni Simbulan tiyak ikakasa kaagad ang raid sa mga pasugalan nito dahil galit na galit si Major General Eleazar sa mga nagpapasugal dahil kamakailan lamang ay ipinahinto ni Pangulong Duterte ang operasyon ng Lotto at STL.

Kay QCPD District Director General Montejo, sir at General Batan ng ESP, mga sir… aba’y ipahuli nyo kaagad si Simbulan dahil hindi ito nagbabayad ng buwis at kinukumpitensiya nito ang Lotto at STL na siyang inaasahan ng mahihirap para makahingi ng tulong sa PCSO. (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment