DROGA AT IBA PANG KONTRABANDO SA MGA KULUNGAN SA NCR

BAKBAKAN NATIN

ANO naman ‘tong nabalitaan kong masyadong maluwag ang mga kulungang pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology – National Capital Region (BJMP – NCR)?

Mayroong nakapapasok na cellular phones (gadyet upang makakontak sa labas ang mga bilanggo), mga gamit na pwedeng gamiting panaksak at ang pinakamasahol ay ang iligal na droga.

Ano ba ang ginagawa ni Chief Superintendent Ignacio Panti?

Si Panti ay hepe ng BJMP – NCR.

Nanatili sa posisyon si Panti matapos hindi mapiling direktor ng BJMP kahit kumalat sa BJMP, media at Department of the Interior and Local Government (DILG) na ‘malakas’ at ‘malapit’ siya kay dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go, ang pinaka-pinagkakatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na opisyal ng pamahalaan, na ngayon ay isa nang senador.

Ang itinalagang direktor ng BJMP ay si Chief Superintendent Allan Iral na mayroong layuning linisin ang BJMP at mga kulungan nito mula sa anomang klase ng kabulastugan at iligalidad, ayon sa ipinakakalat na kuwento ng mga taong malalapit sa kanya.

Syempre, kailangang patunayan ni Iral kung totoo, tapat at seryoso siya sa paglilinis ng BJMP.

Maaari niyang unahin ang mga kulungang nasa ilalim ng pamamahala ng BJMP – NCR.

Mainam kung paiimbestigahan niya ang BJMP – NCR na nasa ilalim ng liderato ni Panti upang malaman kung mayroong katotohanan ang impormasyong napakaluwag ng mga kulungan sa NCR, dahilan upang makapasok nang malaya ang mga kontrabando, lalo na ang iligal na droga.

Kapag totoo, tanggalin si Panti sa BJMP – NCR, sapagkat patunay lamang na hindi na epektibo ang kanyang pamumuno.

Maaaring ilipat siya sa ibang rehiyon kung saan kailangang-kailangan ang mga tulad niyang maluwag at mahina.

Nangangahulugang nanga­ngailangan na ng ibang opisyal ang BJMP – NCR.

Kung hindi naman maluwag at hindi nagpabaya si Panti, tanggalin na lamang ang mga warden na ilang beses nang nahulihan ng mga gamit na bawal sa kulungan at syempre iligal na droga.

Kapag hindi tinanggal ni Iral ang mga palpak na warden, sigurado akong pagtatawanan lamang siya ng mga ito, sapagkat alam ng mga bugok na warden na hindi sila basta-basta sisibakin kung mayroong ‘lingguhang parating’ o ‘tara’ sa mga nakapuwesto sa BJMP.

BOOKIES NG STL NI TEE PANG, PROTEKTADO NG OPISYAL NG QCPD?

Kapag galante ang isang jueteng lord sa mga opisyal ng pulisya, siguradong hindi ipatitigil ang kanyang iligal na negosyo.

Mayroong ganitong jue­teng lord sa Quezon City na kilala sa alyas na “Tee Pang.”

Malayang nakalalarga ang jueteng operation ni alyas Tee Pang gamit ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Nakapag-oopereyt pa rin ang jueteng ni alyas Tee Pang sa Cubao sa pamamagitan ng bookies ng STL.

Imposibleng hindi alam ito ng mga pulis sa Cubao dahil kahit ang ibang pulis sa ibang istasyon ay patok ang pangalan ni alyas Tee Pang.

Ang totoo, regular na lumalabas ang pangalan ni Tee Pang sa intelligence unit ng Quezon City Police District (QCPD) pagdating sa iligal na sugal.

Kahit noong mayroong mga bahay-aliwan at club pa ito sa Cubao, markado ang pangalan ni alyas Tee Pang.

Ang banggit sa akin, protektado ng ilang opisyal ng QCPD itong si alyas Tee Pang, kaya hindi ginagalaw ang kanyang bookies ng STL.

Kawawang STL ng PCSO dahil sa pagpapabaya ng QCPD, lalo na ng QCPD – Cubao Police Station na pinamumunuan ni Lt. Col. Giovanni Hyacenth Caliao.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Related posts

Leave a Comment