DOLE AT PCAB WALANG AKSYON LABAN SA DATEM INC.

BAKBAKAN NATIN

KAHIT kailan ay huwag nating kalimutan na napakahalaga at estratehiko ang papel na ginagampanan ng mga manggagawa sa ating lipunan.

Kung wala ang manggagawa, pihadong walang kikilos upang sumulong, umunlad at umasenso ang isang bansa.

Hindi rin uunlad, aangat at aasenso ang buhay ng mga kapitalista kung walang manggagawa.

Kaya, hindi dapat pinababayaan at winawalanghiya ng mga kapitalista ang kanyang mga manggagawa.

Hindi rin dapat balewalain at pabayaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Contractor Accreditation Board (PCAB) ang mga manggagawa, kabilang na iyong nakabase sa industriya ng konstruksiyon.

Nitong nakalipas na linggo, nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa DOLE at PCAB na rebyuhin at pag-aralan ang lisensya at akreditasyong ibinigay sa Datem, Inc. matapos makarating sa TUCP ang impormasyong mayroong mga manggagawa ang naturang kompanya na namatay habang nagtatrabaho sa mga proyekto nito.

Ang Datem, Inc. ay isang malaking construction firm.

Ayon sa TUCP, maraming paglabag sa “labor standards and construction occupational safety and health protocols” ang Datem, Inc.

Hindi raw iniuulat ng Datem, Inc. sa pulisya at DOLE ang mga namamatay nitong mga manggagawa habang nagtatrabaho, patuloy ng TUCP.

Sabi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP, hindi pa umaaksyon ang DOLE at PCAB sa kanilang mga reklamo laban sa Datem, Inc. hanggang sa kasalukuyan.

Hindi ako nagtataka kung hanggang ngayon ay walang aksyon ang DOLE sa panawagan at kahilingan ng TUCP, sapagkat madalas namang matagal kumilos ang DOLE.

Malaki na nga ang problema ng mga manggagawa laban sa halos lahat ng kapitalista sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo pang dagdag ng sakit ng ulo ang mga opisyal ng DOLE dahil sa kanilang pagpapabaya sa mga manggagawa.

Hindi ko kabisado ang PCAB, ngunit mukhang kahawig nito ang DOLE, sapagkat hanggang ngayon ay hindi iniintindi ng mga opisyal ng PCAB ang panawagan at kahilingan ng TUCP.

Ang panawagan ng TUCP ay seryoso at malaking usapin dahil tungkol ito sa mga namatay na mga construction worker ng Datem, Inc. at sa mga batas-paggawa na nilabag umano ng nasabing kompanya.

Kailangang umaksyon ang DOLE at PCAB upang malaman at matukoy nang eksakto kung mayroong batayan ang reklamo ng TUCP laban sa Datem, Inc. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment