DOH, ROTARY INTERNATIONAL VS POLIO

NIPIS

MARAMI sa mga Filipino ang ngayon ay nakatutok sa dengue na talaga namang talamak at kalat na kung saan-saang panig ng bansa.

Umabot na sa daang libo ang naging biktima ng dengue at halos pumalo na sa isang libo ang mga nasawi na karamihan ay bata dahil sa sakit na ito na nagmula sa kagat ng lamok na Aedes aegypti.

Kaya nga tuloy-tuloy ang paghikayat ng Department of Health sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na gawin ang tamang paraan nang paglilinis ng mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng sakit.

Pilit na ipinauunawa ng DoH na kalinisan talaga ang susi upang mawala ang mga lamok na ang kagat ay delikado.

Itinuturo din ng mga kawani ng nasabing ahensiya sa mga nasa lokal na pamahalaan ang pagiging matiyaga sa pagpapaalala sa mga mamamayan na kalusugan nila ang nakasalalay kapag hindi sila sumunod sa ipinapayong paglilinis ng kanilang tahanan at paligid nito.

Bukod pa rito ang paghingi ng tulong sa pamahalaan para sa libreng defogging sa mga barangay upang mamatay ang mga itlog ng lamok na namamahay sa mga tagong lugar at maging sa mga maruruming tubig ilog, estero at kanal.

Dahil sa pagkakatutok sa sakit na dengue, halos nakalimutan na ng mga Pinoy ang sakit na polio. Sabagay, ilang beses na rin namang naiulat na “zero” polio na ang Pilipinas.

Sa madaling salita, ang dating sakit na karaniwang tumatama sa mga Pinoy sa hindi malamang dahilan ay nakalimutan na dahil sa halos wala na nga ito.

Sa pagkawala ng polio, isa ang Rotary International sa natatanging dapat pasalamatan dahil sa paglaban sa sakit na ito. Ang mga miyembro nito ay talagang nagbigay ng pansin kasama ang tulong upang maisakatuparan ang “End Polio Now”.

Noong 2017 hanggang 2018, malakas pa rin ang kampanya ng Rotary International sa “End Polio Now”. At dahil halos “zero” na ito, medyo tumamlay ang kampanya laban sa sakit na ito.

Muli ko lang narinig ang paghikayat na mu­ling palakasin ang laban sa polio kay Congresswoman Bernadette Herrera, ng BH Partylist, na nagkataong District Governor ng 3780 na kabilang ang mga rotary club sa Quezon City, nang hikayatin niya ang lahat ng kanyang mga presidente sa kanyang distrito at maging ang mga bisitang rotarian mula sa ibang distrito at clubs na muling buhayin ang paglaban sa polio.

Sa kanyang paghikayat, sinabi ni Herrera na “zero” na ang polio subalit kailangang makasiguro ang lahat na wala na talaga ito at hindi na babalik pa.

Inamin nito na masasabing bigo siya sa panunungkulan kapag bumalik pa ang “polio” sa bansa dahil may magagawa naman siya kaya nga masidhi ang kanyang pagkumbinsi sa lahat ng mga dumalong rotarians sa 18th Induction Ceremony and Governor’s Visit ng RC Eastwood, isang club sa rotary na pawang mga babae ang mi­yembro, na kumbinsihin ang kanilang mga kabarangay na dalhin ang kanilang mga anak sa barangay health centers upang mapabakunahan laban sa polio.

Kaagapay sa pagbabakuna ng Department of Health ang barangay upang maging matagumpay ang kanilang laban sa polio. Maging ang Rotary International ay nakiisa na upang labanan ang polio.

Ito ay matapos makita sa “sewage” o alkantarilya ang pagsulpot ng virus na nagiging sanhi ng sakit na polio. Kaya naman matindi ang panawagan ni Health Secretary Francisco Duque na kailangang maturukan ng vaccine ang mga bata upang mapataas ang resistensiya ng mga ito laban sa mga nagsusulputang sakit.

Ngayon pa lang sana ay maunawaan na ng mga magulang ang kahalagahan ng bakuna sa kanilang mga anak upang hindi tayo magsisi sa bandang huli. (NIPIS / EA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment