DIRECTOR NA, CONTRACTOR PA?

BOMBAHAN NA FINAL

ISANG alyas GreGar ang inginuso ng silipero sa BOMBAHAN NA na director na, contractor pa ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), New Clark City sa Pampanga.

Ang BCDA ang naatasan na bumuo ng New Clark City sa pamumuno ni Vince Dizon.

Natural, maraming proyekto rito dahil gagawin itong siyudad mula sa dating base militar ng mga Kano.

Kaya naman maraming naglalaway na mga kontratista para makakuha ng kontrata sa kabi-kabilang itinatayong imprastraktura sa gagawing siyudad na katulad ng Hong Kong.

Aba’y isa na riyan ang director ng BCDA na tinaguriang ‘director na, contractor’ pa. Siya ay si alyas GreGar na kilalang-kilala sa BCDA-Clark.

Panong hindi siya makikilala eh, ginagamit niya ang pangalan ni Exec. Sec. Salvador Medialdea?

Kaya malakas ang loob niya na maging kontraktor sa Clark kahit na director siya ng BCDA. Ganun!?

“Di po ba sir bawal yan sa batas, kasi conflict of interest po ‘yan?” tanong ng silipero ng BOMBAHAN NA.

Ipinagyayabang din daw ni GreGar na siya ang nagpasok kay Vince Dizon.

Kung ikaw ang nagpasok, bakit mas mataas ang posisyon niya sa ‘yo? Ungas!

Paging, Sec. Medialdea baka hindi nyo po alam nagagamit na ang inyong pangalan.

Sir, pakihagupit nyo nga po itong si alyas GreGar. Mababasa po ang papel niyo dahil sa kanya.

May mga tao talaga na hindi pinapansin ang tinatawag na ‘conflict of interest’ basta’t kikita sila, wala silang pakialam.

Baka ganun si alyas GreGar, kasi kung may kahihiyan siya hindi niya gagawin yan.

Napakahigpit kaya ng panuntunan ng pagiging manggagawa sa gobyerno, maging opisyal ka man o hindi.

Nariyan ang magsusumite ka ng listahan ng yaman mo (Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN) bago ka pumasok sa gobyerno. Kelangan din simple lang ang pamumuhay mo.

Layunin niyan para ma-monitor kung nangurakot ka habang nasa gobyerno.

Ikukumpara ang kayamanan mo sa kinikita mo sa pamamagitan ng sweldo mo sa gobyerno at sa negosyo kung mayroon man.

Ang iba ay magaling magtago, kung kani-kanino nila ipapangalan ang kanilang mga nakulimbat sa gobyerno habang sila ay nakapwesto.

Tulad ng maraming politiko na sila mismo ang kontraktor sa mga proyekto sa kanilang nasasakupang lugar.

Hindi man direktang nakapangalan ang kontraktor pero pag sinuri mo, lalabas at lalabas talaga na may kinalaman sila sa kompanya.

Ay naku! Humahaba tuloy ang balbas ni BOMBAHAN NA kapag kurapsyon na ang pinag-uusapan sa gob­yerno.

Siguro panahon nang gumawa ng eksenang sinabi ni Pangulong Duterte na kung sino ang gumagawa ng kalokohan sa gobyerno ay sampalin ng inaapi nilang ordinar­yong tao.

Para makarating sa Palasyo ang kaguluhan na nangyari.

Hanggang ngayon po kasi ay napakarami pa ring walanghiyang empleyado ng gobyerno.

Mga nagnanakaw ng oras dahil oras ng trabaho ay pagse-selfie o Facebook ang inaatupag.

Namihasa kasi sila sa pagbubulakbol sa mahabang panahon. Kaya tama lang na ang mga bossing nila ang mag-umpisang gumawa ng hakbang para madisiplina sila.

Pagpalain po tayo ni Lord, Amen!

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA, mag-email joel2amongo@yahoo.com (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment