DAPAT MATULDUKAN NA ANG HAZING

BOMBAHAN NA FINAL

PAULIT-ULIT na lang ang nangyayaring pagpatay sa mga estudyante sa pamamagitan ng hazing.

Bakit hanggang ngayon ay hindi ito natutuldukan?

Panahon na para pabigatin ang parusa nito ng ating mga mambabatas.

Tulad kay Philippine Military Academy (PMA) cadet 4th class Darwin Dormitorio, lumalabas pala sa imbestigasyon ng Baguio City Police Office na nawalang combat boots lang ang dahilan kaya pinagmalupitan siya ng kapwa kadete.

Ibig sabihin, pinersonal siya ng kanyang mga kasamahan na idinaan sa pamamagitan ng hazing.

Kay Sanupao daw ang combat boots na nawala, siya ay upper class ni Dormitorio, ito ay ayon kay Police Col. Allen Rae Co ng Baguio City Police Office.

Sa ganun kaliit na bagay ay pinalaki nila at pinatay nila ang kawawang si Dormitorio?

Ganun ba kababaw at kakitid ang utak ng ating mga PMAyer?

Batu-bato sa langit ang tamaan, ‘wag po magagalit.

Mataas ang pagtingin ng taumbayan sa mga nagtapos sa PMA, pero kung paulit-ulit na nangyaya-ring may mamamatay na plebo. Dapat pa ba kayong hangaan?

Isa sa mga adhikain ng “Philippine Military Academy (PMA) ay “molding leaders of  our nation”.

Paano ka magiging mabuting pinuno ng bansa kung may poot sa iyong dibdib?

Estudyante ka pa lang ay may pinatay ka na.

Ang tao, kung ano nakasanayan niya ay paulit-ulit niya na itong gagawin kahit saan pa man siya mapunta.

Kung ang BOMBAHAN NA ang tatanungin, siguro panahon na para gumawa ng ‘special law’ para lang sa mga biktima ng hazing.

Hindi lang basta tulad ng mga ordinaryong kaso na isinasampa sa korte, mas pabigatin ang para sa mga suspek sa pagpatay at pagmaltrato sa kanilang kapwa estudyante sa pamamagitan ng hazing.

Ang ganitong klase kasing pagpapahirap ay pang-aabuso sa kanyang kasamahan na kapareho niyang estudyante.

Ang nangyayari tuloy pag naging upper class na ang pinahirapan gaganti rin siya sa magiging lower class niya.

Matagal nang nangyayari ang kalakarang ito sa PMA maging ang mga aktibo at retired generals ngayon ay naranasan din ito.

Masuwerte sila dahil nakaligtas sila, papaano kung ang nangyari kay Dormitorio ay nangyari rin sa kanila natural ‘di nila narating ang kanilang kinalalagyan ngayon.

May maasahan kaya ang taumbayan sa dating mga PMAyer na mga senador ngayon na maghain ng panukalang batas na magpaparusa nang mas mabigat laban sa mga gumagawa ng hazing na ikinamamatay ng biktima?

Ang hindi pa maganda riyan, ang mga nag-aaral sa PMA ay iskolar ng bayan tapos ganyan pa ang ginagawa nila sa kanilang kapwa estudyante.

Katatapos lang may namatay sa hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite kamakailan tapos ngayon nalipat naman sa PMA.

Hindi na natutuldukan, paulit-ulit na lang nangyayari kaya panahon na siguro para gumawa ng ‘special law’ ang mga mambabatas natin patungkol dito.

Hindi lang ang biktima ang nasisira ang kinabukasan, maging ang mga suspek dahil naparurusahan sila.

Kung hindi man gumawa ng ‘special law’ ay amyendahan ang batas na umiiral ngayon, mas pabigatin pa ang parusa.

Wala po tayong karapatan na kumitil ng buhay ng ating kapwa, kundi ang Panginoon lamang po. Amen.

oOo

Pasabugin ang katiwalian, magsumbong sa BOMBAHAN NA, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840 (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Related posts

Leave a Comment