DAPAT LANG GAWING BIGAS AT HINDI CASH

CHRISTIAN BOMB

DALAWAMPU’T isang senador ang bumoto pabor sa resolusyon na ­palitan ng bigas ang cash na tinatanggap ng mga benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid ­Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.

Tama ang desisyong ito ng Senado.

Base sa imbestigasyon ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) ay kanilang natuklasan na ang perang ibinibigay nila sa mahihirap na benepisyaryo ng 4Ps ay ipinangbibisyo lang, na kundi ipinangsusugal ay pinangbibili ng alak o shabu.

Ang 4P’s ay programa ng pamahalaan na nagbibigay ng buwanang P200 sa bawat miyembro ng mahihirap na pamilya, na kung tawagin ay “poorest of the poor” upang ­maipandagdag sa pambili ng ­pagkain para hindi magutom ang mga anak ng mga maralitang Pilipino, pero sa halip na ipambili ng pagkain, karamihan sa kanila ay ipinangbibisyo lang ang tinatanggap na biyaya sa gobyerno.

Dahil pasado na sa Senado ang resolusyong bigas na lang at hindi na cash ang ibigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay nakasisiguro na ngayon ang pamahalaan at ang publiko na sa sikmura na ng mga maralita ­mapupunta ang ayuda sa kanila ng gobyerno at hindi sa kanilang bisyo.

ASEAN SUMMIT MAS IMPORTANTE KAY DUTERTE

Niyanig ng magnitude 6.6 lindol ang Mindanao nito lang October 31 at kinabukasan, November 1, umalis ng bansa si Pangulong Duterte para dumalo sa ASEAN Summit sa Thailand.

Dahil sa ginawang iyan ni Pangulong Duterte ay batikos ang ­inabot niya sa netizens sa social media, kasi nagawa niyang lumabas ng Pilipinas sa panahon na maymatinding ­trahedyang tumama sa bansa.

Sa Thailand noong November 2011, ang bansang ito ay ­sinalanta ng matinding baha dulot ng bagyo at sa panahong iyon ay may APEC Summit sa United States (US), pero ang ginawa ng noo’y prime ­minister na si Yingluck ­Shinawatra ay kinansela ang pagdalo dito upang personal na tutukan ang trahedyang tumama sa kanilang bansa.

Dapat ay tinularan ni Pangulong Duterte ang ginawa ni dating Thailand PM Shinawatra, pero hindi niya ito ginawa.

Sobrang lakas ang lindol na tumama sa Mindanao at patunay diyan na nasa 21 na ang iniulat na namatay at ­inaasahang madaragdagan pa dahil marami pa ang missing.

Sa ganyang sitwasyon, dapat personal na nakatutok dito ang Presidente dahil buhay at kabuhayan ng mga Pilipino ang nakataya rito, pero mas binigyang halaga niya ang ASEAN Summit kaysa ­kapakanan ng mamamayang naging biktima ng lindol.

oOo

TIMBRE: Paging PNP-OIC Archie Gamboa at NCRPO Director, Gen. Debold Sinas, nag-o- operate na raw ngayon ang mga color games, beto-beto, hi-lo at drop balls nina alyas “Roy” sa Cubao, Quezon City; “Elmer” sa Himlayan, QC, Parañaque City at Pateros; “Mike” sa Pasay City at “Edrian” sa Las Pinas City.

Paging Manila Police chief, Gen. Bernabe Barba, isang alyas “Lito” raw ang nagpapa-jueteng at lotteng sa Maynila. Paging Eastern Police chief, Gen. Johnson Almazan, isang alyas “Kit” daw ang may pa-jueteng sa Marikina City. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment