DAPAT KUMILOS SI DUTERTE PARA SA MGA MANGGAGAWA NG HANJIN 

ANG TOTOO

MAY 288 milyong piso umano ang nakalaan para sa mga manggagawa ng Hanjin Subic na hindi pa nababayaran ang “separation pay,” tiniyak ito ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Administrator Wilma T. Eisma.

Ang Totoo: ang problema ay kung kailan mababayaran ang may 3,000 manggagawang tinanggal sa trabaho ng Hanjin nitong kalagitnaan ng Pebrero, ikaapat na grupo nang mahigit 20,000 manggagawang Pilipino na nawalan ng trabaho sa pagka-bangkarote ng kompanyang Koreano.

Napapaiyak na lamang ang mga manggagawa na lumapit sa atin, lahat baon na sa utang, ang mga anak ay nagugutuman, may hindi makabayad sa paaralan, ilan ay inaaway na ng asawa, at marami pang kinakaharap na problema.

Dagdag pa nila, meron silang kasama, namatay na ang ama habang hinihintay ang “separation pay” niya na pampa-ospital at gamot sana.

Meron pang nasiraan ng bait, anila, paglabas pa lamang ng gate ng Hanjin, sa kakaisip na wala na siyang trabaho.

Ang Totoo: maayos na ang lagay ng 5 bangkong lokal na pinagkakautangan ng Hanjin ng $412M, ang RCBC, BDO, Metrobank, Landbank at BPI, dahil nakabuo na sila ng “consortium” na mistulang may-ari ngayon ng Hanjin, na siyang kinakausap ng mga nagnanais mag-take-over sa pagawaan ng malalaking barko.

Pero ang mga manggagawa, maliit lang ang makukuhang “separation pay” bawat isa, lagi na lang pinaaasa.

Pinapirma na nga ng kasinungalingang “voluntary retrenchment” o kusang-loob na nagpatanggal sa trabaho, hindi pa rin natanggap ang ipinangakong “separation pay” noong Pebrero 28, tapos Marso 5, na muling nabigo at ginawang ika-7, tapos, ika-8 at ika-15 ng Marso na pawang bigo pa rin at ngayong Lunes na naman daw ang sabi ng feeling announcer na si Severino Pastor, hepe ng Labor Dept. ng SBMA, na sa radyo lang nakikipag-ugnayan.

Ngayong Lunes pa umano matatapos ang “validation” ng mga manggagawa, kung talagang tao o “ghost” employee, kaya swerte talaga kung maipapasok sa mga ATM account nila ang “separation pay” ngayong araw mismo.

Ang Totoo: masasalamin ang kahinaan ng Labor Dept. ng Pilipinas, hindi lamang ng SBMA, sa karanasan ng Hanjin.

Hindi naman “overnight” o biglaan ang pagsasara ng Hanjin pero puro porma at “lip service” ang mga ito sa pangangalaga at paghahanda sa kapakanan ng manggagawa.

At kung sasabihin ni Pangulong Rodgrigo Duterte na kalagitnaan ng taon ng 2018 pa lamang ay hindi pa niya alam na magsasara na ang Hanjin, sasama ito sa haba ng listahan ng kanyang mga kasinungalingang binitiwan sa mamamayang Pilipino.

Sana naman Pangulong Duterte, dito mo po ipakita ang yabang mo, ipag-utos ang agarang pagbabayad sa “separation pay” ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa kapalpakan at kalokohan ng mga nagpatakbo ng Hanjin Subic Shipyard.  (ANG TOTOO / VIC V. VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment