DAPAT IPAHULI NI DUTERTE ANG MGA NASA LIKOD NG BENTAHAN NG CHINESE FLAGS SA LUNETA

CHRISTIAN BOMB

ISA sa naging mainit na isyu ngayong Araw ng Kalayaan ay ang tungkol sa pagbebenta ng mga vendor ng Chinese flags sa Luneta o Rizal Park sa Maynila.

Nag-viral ito sa social media, na itinaon pa ang bentahan ng Chinese flags apat na araw bago ipagdiwang ng Pilipinas ang ika-121 Araw ng Kalayaan.

Umani ito ng batikos sa netizens, na ayon sa kanila ay malinaw na pagyurak sa pagiging makabayan ng mga Pilipino.

Ang hindi kagandahan, imbes na ito ay batikusin ng gobyernong Duterte ay nag-post pa sa social media si Sec. Teddyboy Locsin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala raw masama sa pagbebenta ng Chinese flags, dahil kapag Philippines-Ame­rican Friendship Day daw ay may nagbebenta rin naman ng mga United States (US) flag.

Kung walang pananakop na ginagawa ang China sa mga isla at karagatang sakop ng Pilipinas ay maaaring wala ngang masama.

Kung hindi nagpapakita ng pagpapakatuta si Pangulong Duterte sa China ay wala ngang masamang may magbenta ng Chinese flags bilang pagkilala na rin sa tinatawag na Philippines-China Friendship Day.

Pero kitang-kita ang pananakop ng China sa mga isla at karagatang pag-aari ng Pilipinas, at pati ang mga mangingisdang Pilipino ay pinagbabawalang mangisda na sa West Philippines Sea.

Ang China ay isang bagong umuusbong na makapangyarihang bansang nakikipagkumpe­tensya sa puwesto ng US bilang pinakamakapangyarihan sa mundo. Nakikipagkumpentensya ito sa dami ng neo-kolonya, base at instalasyong military, kita mula sa digmaan, at paghawak sa ekonomiya at pulitika ng ibang bayan.

Sa harap ng pag-okupa ng China sa teritoryo ng Pilipinas, pagtatayo ng mga base militar nito at pandarahas sa mga Pilipinong ma­ngingisda, ang masaklap ay walang ginagawang aksyon ang administras­yon ni Duterte sa matinding pambubusabos ng China sa soberanya ng ating bansa.

Dapat magpakita si Pangulong Duterte na siya ay isang Presidenteng makabayan, dahil sa totoo lang, malaking insulto sa Pilipinas at sa mga Pilipino na apat na araw bago ipagdiwang ang Independence Day ay may mga nagbebenta ng Chinese flags sa Luneta Park.

Ngayong Araw ng Kalayaan, sana ipakita naman ni Pangulong Duterte ang kanyang pagi­ging maka-Pilipino. Dapat gumawa ng aksyon ang kanyang gobyerno para madakip ang mga nasa likod ng pagbebenta ng Chinese flags, dahil ayon sa mga vendor na nagbebenta nito ay may mga kalalakihan daw na nagbigay sa kanila ng mga watawat ng China para ibenta mismo sa Rizal Park. (CHRISTINA’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment