DAPAT IMBESTIGAHAN NG KONGRESO

CHRISTIAN BOMB

NAGHAIN ng re­solusyon si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na imbestigahan ng Kongreso ang pagkakapatay ng militar sa pitong binatil­yo sa Midsayap, North Cotabato nitong nakalipas na Oct. 23, 2019.

Sa ulat kasi ng pulisya, napatay sa military ope­rations nang manlaban sa mga awtoridad ang pitong kabataang kasapi umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), pero ang giit ng mga kamag-anak at mga residente sa pinangyarihan ng insidente, hindi raw mga rebelde ang mga biktima, kundi mga kabataang magsasaka.

Ayon sa bersyon ng militar, nagtungo sila sa lugar para dakpin ang tero­ristang si Mama Macalimbol, pero bigla umano silang pinagbabaril ng mga kabataang BIFF kaya’t gumanti sila ng putok, pero sa pahayag ng mga kamag-anak at mga residente sa lugar, natutulog sa kubo ang mga binatilyo nang pasukin ng mga sundalo at agad pinagbabaril.

Kung totoong rebelde ang pitong binatilyong ito, walang ibang dapat sisihin sa kanilang pagkamatay kundi ang kanilang mga magulang dahil sa mura nilang edad ay hinayaan silang sumapi sa tero­ristang grupo, pero kung tunay na magsasaka lamang ang mga biktima, dapat silang mabigyan ng hustisya at mapanagot sa batas ang mga may kagagawan ng masaker.

Sa isyung ito, dapat suportahan ng mga kongre­sista ang hiling ni Rep. Elago na maimbestigahan ang insidenteng ito sa Midsayap, North Cotabato upang malaman ang tunay na pangyayari dahil buhay ng pitong kabataang lalaki ang nalagas dito.

oOo

TIMBRE:Paging NPD Director, Gen. Rolando Anduyan, isang alyas “Noel” daw ang may pa-video karera sa Malabon City. Isang alyas “Tolentino” raw ang may pa-lotteng sa Valenzuela City. Paging MPD Director, Gen. Bernabe Balba, isang alyas “Paknoy” raw ang may pa-bookies sa Maynila. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment