DAPAT IBALIK ANG KINALTAS NA BUDGET SA DOH

CHRISTIAN BOMB

PINAGTIBAY ng Korte Suprema ang probisyon sa batas na nagsasabing hindi dapat bababa sa P31,000 ang suweldo ng mga government nurse.

Dahil dito, ikinatuwa ito ng Filipino Nurses United (FNA), samahan ng mga nurse sa bansa.

Sinabi ni FNU president Maristela Abenojar na mula noong 2002 ay hindi naipatutupad ang Republic Act No. 9173 o ang Philippine Nursing Act dahil walang pondo para rito, at dahil sa na-ging desisyon ng Supreme Court (SC) ay maoobliga na ang gobyerno na maglaan ng pondo para ipatupad ito.

Bagamat good news ito sa mga nurse, ang problema ay kung kailan maipatutupad ang kanilang dagdag-suweldo.

Ang Kongreso ang naglalaan ng pondo sa bawat sangay ng pamahalaan, at sa nakaraang deliberasyon sa 2022 national budget, kinaltasan ng mga kongresista ng P16.6 billion ang budget ng Department of Health (DOH).

Dahil sa ginawang iyan ng Kongreso ay sinabi ni Sen. Ralph Recto na posibleng mawalan ng trabaho ang may 7,000 nurse sa mga pampublikong ospital dahil wala nang maipangsusuweldo sa kanila ang DOH.

Para walang maganap na tanggalan sa trabaho at ang desisyon ng SC na gawing salary grade 15 ang mga nurse na may katumbas na suweldong P31,000 kada buwan, dapat ay ibalik ng mga kongresista ang kinaltas na budget sa DOH at kung maaari nga ay dagdagan pa ang pondo nito, dahil ang mga nurse ang siyang kaagapay ng gobyerno sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan.

oOo

TIMBRE: Paging Mayor Benjamin Magalong… Nag-operate na raw ang “mini-casino” ni alyas “Paul” sa Dampa, Brgy. Legarda at Brgy. Bokaokan, City of Baguio, drop balls ni alyas “Tuy-oy” sa Dangwa/Mallcom Plaza, drop balls ni alyas “Jimmy” sa Magsaysay; drop balls ni alyas “Buda” sa Slaughter. Paging PNP-Region 3 commander, Gen. Jigs Coronel, isang alyas “Boy” daw nagpapa-jueteng sa Bulacan. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment