“COMMUNITY QUARANTINE” SA NCR: MANGYARING SUMUNOD SA MGA AWTORIDAD

f

NAKIKIUSAP tayo sa mga kababayan natin sa lalawigan ng Rizal na makipagtulungan tayo sa mga hakbang ng ­gobyerno at sumunod tayo sa mga patakaran kaugnay sa ­ipinaiiral na “community quarantine” sa Metro Manila simula kahapon ­(Marso 15) hanggang Abril 14.

Hindi lingid sa ating kaalaman na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 kung kaya sinasang-ayunan natin ang naging hakbang ng inter-agency task force na gawin ang nararapat upang hindi na lumala pa ang sitwasyon at mas ­lumaganap ang COVID-19 sa mga karatig lalawigan.

Batay sa resolusyon ng Inter-agency Task Force for the Management of ­Emerging Infectious ­Disease (IATF-MEID), hindi na rin muna papayagan ang lahat ng uri ng biyahe papasok at palabas ng Metro Manila ngunit dadaan ito sa araw-araw na pagsusuri ng inter-agency task force.

Nais nating linawin na ang pagbibyahe ng mga kalakal papasok ng Metro Manila at paluwas sa mga probinsiya ay tuloy-tuloy. Nangangahulugan ito na walang dapat na ipangamba ang ating mga nasasakupan sa Rizal hinggil sa suplay ng mga produkto, pagkain, at iba pang mga kalakal sa ating mga merkado, mga pamilihan at mga nagtitinda ng tingi.

Sa NCR, mananatili ang operasyon ng LRT, MRT at PNR pero ipatutupad ng Department of Transportation ang stringent social ­distancing measures habang ipinaiiral ang isang buwang quarantine para sa lahat. Kaya walang dapat na ipag-alala ang ating mga manggagawa dahil mananatiling normal ang daloy ng mga pampublikong sasak­yan upang may masakyan sila papasok sa trabaho gayundin sa pag-uwi ngunit kailangan nilang sundin ang social distancing guidelines.

Hindi tuwirang pagbabawalan ang mga taga-Rizal na pumasok at lumabas sa Kamaynilaan basta may maipakita lamang silang katibayan o patunay na sila’y nagtatrabaho sa kumpanyang nakabase sa Metro Manila.

Maliban sa pagpapalawig ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila hanggang ika-12 ng Abril, ipinagbawal din ang “mass ­gatherings” sa panahong ito, ipatutupad ang ‘barangay-wide quarantine’ oras na may dalawang nagpositibo sa COVID-19 mula sa magkaibang bahay sa iisang barangay at ‘municipality/city-wide quarantine’ oras na makakita ng dalawang kaso ng COVID-19 sa magkaibang baranggay na nasa iisang munisipalidad.

Nais nating pawiin ang agam-agam ng ating mga manggagawa at mga mamumuhunan sa lalawigan ng Rizal dahil ang community quarantine sa NCR ay pansamantala lamang. Hinihikayat din natin ang lahat na maging mapagmatyag at kalmado dahil hindi makakatulong kapag nangamba at nataranta. Kailangan nating magkaisa para mabilis na masugpo ang COVID-19, malalampasan din natin ito.

Related posts

Leave a Comment