COMELEC MEDIA ID BALEWALA SA QCPD

BOMBAHAN NA FINAL

MALINAW na pambabastos sa Commission on Elections (Comelec) ang pagharang sa atin ng isang opisyal ng pulisya na makapasok sa headquarters ng Camp Karingal sa Sikatuna Village, Quezon City noong hinuli nila ang mayoralty candidate na si Bingbong Crisologo.

Bago pa man isagawa ang campaign period ay naglabas na ng form ang Comelec para sa mga magkokober na media sa eleksyon.

Sila po ang bibigyan ng awtorisasyon ng Comelec na magkaroon ng access sa lahat ng lugar kung saan may pangyayari na may kinalaman sa eleksyon.

Hindi po lahat ng media ay nabibigyan ng Comelec Media ID.

Isa po tayo sa nais¬yuhan ng ID, ibig sabihin, awtorisado tayong magkober.

Tulad ng ginawang paghuli ng mga tauhan ng QCPD kay Bingbong, may awtorisasyon tayo na magkober.

Subalit hindi pinansin ni Capt. Inocente ng QCPD ang ating pagkakaroon ng Comelec ID kaya hindi tayo pinapasok sa press conference sa nasabing kampo.

Kaya ginawa natin, nag-interview na lang tayo sa labas pero habang nag-i-interview ay nilapitan pa tayo nitong si Capt. Inocente at pilit na pinaalis.

‘Di ba alam ni Inocente na ang lead agency ng gobyerno na nangangasiwa tuwing eleksyon ay ang Comelec?

Lahat ng ahensya ng gobyerno ay suporta lang sa Comelec, kasama na ang Department of Interior and Local Government (DILG) at nasa ilalim nito ang pulisya.

Kaya ang ginawang pagtaboy sa atin ni Capt. Inocente ay hindi pagrespeto sa Comelec na nag-isyu sa atin ng ID.

Kaya dapat sa mga pulis na ito ay isinasailalim sa seminar ng Comelec para alam nila ang kanilang gagawin tuwing eleksyon.

Hindi ‘yung pumapasok sila sa alanganin at ang tatapang pa na akala mo ay sila lang ang may karapatan.

Para sa kaalaman ng mga pulis, kung sila ay itinatalaga ng kanilang pamunuan ganun din po ang media. Itinatalaga rin kami ng aming mga bos¬sing para magkober.

Kaya dapat itong si Inocente ay isailalim sa seminar dahil hindi niya alam ang kanyang ginagawa.

O baka naman nagpapaka-Inocente lang siya at sinasadya niya para ipakita niya na matikas siya?

RD SINISISI SA PATUNG-PATONG NA TITULO

Maraming reklamo laban sa Register of Deeds (RD) dahil sa pagdami ng titulo ng lupa lalo na sa National Capital Region (NCR).

Lahat ng gustong magkaroon ng titulo o magparehistro ng titulo ng lupa ay tinatanggap nila na hindi nila inaalam ang mga dokumento na ipinapasok sa kanila kung peke o orihinal.

Kaya patung-patong na ang titulo ng lupa sa NCR.

Kahit na ministerial lang ang trabaho ng RD, dapat magkaroon sila ng malasakit sa tunay na mga may-ari ng lupa.

Lalo na ang mga lupain o ari-arian na napabayaan ng mga may-ari na naninirahan na sa ibang bansa.

Hindi yung kapag may nagpunta sa kanila (RD) na may perang inaabot sa kanila ay tatanggapin na nila ang mga dokumento na hindi inaalam kung ito ba ay peke o orihinal.

Ang nangyayari ay wala silang pakialam basta sila ay nagkapera na sa lumapit sa kanila.

Lagi nilang itanim sa kanilang isipin na ang “PUBLIC OFFICE IS A PUBLIC TRUST”.

Kung hindi sila pagkakatiwalaan, umalis na lang sila sa opisina ng gobyerno.

Sa private office na lang sila pumunta, tingnan natin kung magtagal sila kapag puro pagkakaperahan ang kanilang gagawin.

Palagay ko naman hindi papayag ang may-ari ng pribadong kompanya pag ganun ang kanilang ginawa.

Paging Sir Greco Belgica ng PACC, paki-lifestyle check po itong mga empleyado at opisyal ng RD para malaman kung saan galing ang kanilang mga yaman.

God Bless Us.

oOo

Pasabugin ang katiwalian isumbong sa BOMBAHAN NA! sa email joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel#0917-120-40-74.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment