CHINA, BANTA SA KALAYAAN

PANALO KA

KUNG sinoman ang magsasabi at ipaggigiitan pa na ang China ay hindi banta sa kasarinlan at kalayaan ng ating bansa ay isa siyang dakilang tanga.

Sa ngayon, kung meron mang nagagawang maganda ang gobyerno ng China sa ating bansa sa pamamagitan ng administrasyong Duterte ay marapat lamang na magpasalamat tayo. Pero sabi ko nga, mas malaki ang bantang dulot ng puwersahang pagsakop ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) dahil ‘yan ang tunay na banta sa kalayaan nating mga Pilipino.

Kung totoo ang mga naglalabasang datos na halos nasa kalahating milyong Intsik na ang nandito sa ating bansa at iligal na nagtatrabaho sa iba’t ibang sektor ng a­ting lipunan, aba e, kabahan ka na!

Bakit? Sakaling sumiklab ang putukan sa pagitan ng US at kanyang mga kaalyadong bansa laban sa mga Intsik sa WPS, ang halos kalahating mil­yong Intsik na ‘yan ay puwedeng mag-armas at manggulo sa loob mismo ng ating bansa.

Talo pa sa bilang ang pinagsanib na pu­wersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Sabi nga ng mga magagaling, kasama na ang mga bobo, ay ‘yang bilang na ‘yan ng mga Intsik na nasa ating bansa, karamihan ay intelligence operatives kung hindi man sundalo mismo ng China na nagsuot sibilyan. Totoo man o hindi ito, nanganganib na ang kasarinlan at kalayaan nating mga Pilipino.

Sakaling sumiklab nga ang digmaan sa WPS, sasaklolo ba ang US sa atin? Hindi, kahit na meron pa ang tinatawag na Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa. Pansariling interes ng mga Kano ang kanilang uunahin, lalo na ang mas malawak na interes nila sa rehiyon. Hindi nga natulungan ng US na i-modernisa ang kaga­mitan ng AFP sa tinagal-tagal ng “pagkakaibigan” ng dalawang bansa. Kaya naghahalusinasyon ang mga Amboy sa gobyerno na sasaklolo ang US para sa mga Pilipino.

Walang mangunguna sa pagtatanggol sa ating kasarinlan at kalayaan kundi tayong mga Pilipino mismo.

oOo

Lalo pang umiinit ang gusot sa pagitan ng retiradong Army Lieutenant General Rolando Bautista at ang broadcaster na si Erwin Tulfo. Mas pinapalala pa ngayon ang bangayan ng mga cyber warriors ng magkabilang kampo.

Nagtataka lamang ako kung bakit pinapalawig pa ang bangayang ito na puwede namang ayusin ng magkabilang kampo. Parehas lang naman na masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte. At sa katunayan, mauuwi naman ito sa pag-aayos ng dalawa. Pinatatagal pa e.

Isantabi na muna ang kamalian ng bawat isa. Kung saan-saan na napunta ang usa­pin hanggang sa may persona non-grata pa. Kung minsan, nakatatawa na ang mga ganitong desisyon na dala siguro ng bugso ng damdamin.

Ang kailangan lang naman ay magkausap nang personal sina Bautista at Tulfo, ‘yan lang. Pustahan tayo, magkakahiwalay ang dalawa na nakangiti at may photo-ops pa.  (PANALO KA! / FLORANTE SOLMERIN)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment