BULOK ANG HALALAN MATAPOS ‘MULING MATALO’ SI NERI COLMENARES

BAKBAKAN NATIN

MAGALING talagang mag-ingay at magpalundag si Atty. Neri Colmenares.

Narito ang pinakabagong pahayag ni Colmenares pagkatapos lumabas sa “partial and official” na resulta ng bilangan sa pagkasenador na nakarating sa Commission on Elections (Comelec) na talo siya sa halalan: “I will never concede defeat to a rotten electoral exercise that has basically deceived, bribed, intimidated and manipu-lated our people into electing the worst kinds of leaders imaginable.”

Umabot na sa 95.63% ng kabuuang presinto ang nakapagpasa na ng resulta ng bilangan sa Comelec nitong Mayo 14.

Umabot lamang sa 4,584,506 botong nakuha ni Colmenares.

Napakalayo sa senador na pasok sa ika-12 puwesto na mahigit 14.4 milyon ang nakuhang boto hanggang noong Biyernes, ilang oras bago tipahin ang paksa kong ito.

Kahit saang anggulo tingnan, malinaw na talung-talo si Colmenares sa eleksyon.

Tapos, iginiit niyang hindi niya tatanggapin ang kanyang pagkatalo dahil “bulok” ang halalan.

Kaya raw bulok dahil “basically deceived, bribed, intimidated and manipulated our people into electing the worst kinds of leaders imaginable.”

Ito raw ang ginawa sa mga botante, kaya nakasisiguro na ng panalo sina Cynthia Villar, Grace Poe, Christopher “Bong” Go, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Edgardo Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis To-lentino, Ramon Revilla Jr., Aquilino Pimentel Jr. at Nancy Binay?

Sinong tao ang sinasabi ni Colmenares na nanloko, nanakot, nanuhol at nagmanipula sa mga botante?

Si Pangulong Rodrigo Duterte ba o ang hepe ng Comelec na si Sheriff Abas?

Madaling sabihin ang akusasyon ni Colmenares, ngunit walang batayan.

Iyan ang hindi maganda kay Colmenares, madaling maglabas ng akusasyon at inimbentong pangyayari, ngunit walang ebidensya kahit kasing liit man lang ng butas ng karayom.

Natalo na noong eleksyong 2016 si Colmenares sa pagkasenador.

Tapos, lumahok pa rin siya ngayong halalang 2019 na nauwi sa kanyang ikalawang pagkatalo.

At dahil dalawang beses nang natalo, iwinasiwas at itinambol niya sa media na bulok ang eleksyon.

Si Colemenares ay pambato ng Makabayan (samahan ng mga party-list na kasama sa ‘sapot’ ng pangkat ni Jose Maria Sison sa Communist Party of the Philippines) para sa pagkasenador nitong eleksyong Mayo 13.

Si Colmenares din ang pambato ng Makabayan sa pagkasenador noong 2016 kung saan lagpak din siya.

Noong halalang 2013, si Teddy Casiño ang pinatakbo ng Makabayan sa pagkasenador, ngunit talo rin.

Simula nang sumabak ang Makabayan sa eleksyon sa pagkasenador ay wala pa itong naipapanalo kahit si-nasabi ng mga sagad-saring loyalista ni Joma Sison na napakalakas at nakakalat pa rin sa napakaraming panig ng bansa ang mga orga¬nisasyon at puwersa ng pambansa-demokratikong kilusan.

Dinaig pa ang pangkat ni Joma ng Akbayan na nagkaroon na ng isang senador.

Hindi malaking party-list ang Akbayan People’s Party.

Hindi rin nakakalat ang organisasyong ito sa iba’t ibang panig ng bansa, ngunit naipanalo nito si Risa Hontiveros sa pagkasenador noong 2016.

Nanalo si Honteveros nang makipagkaisa ang Akbayan sa Liberal Party (LP) ng administrasyong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Walang masama rito, sapagkat kahit ang Makabayan ay nakipagkaisa rin noon sa Nacionalista Party (NP), ngunit hindi pa rin ito nakakuha ng puwesto sa Senado.

Dumikit at nakipag-alyansa ang Makabayan sa tambalan nina Grace Poe at Francis Escudero noong ele-ksyong 2016, ngunit lagpak pa rin si Neri Colmenares sa kanyang kandidatura sa pagkasenador.

Ginamit pa niya sa patalastas sa TV ang kanyang pamangkin na si Angel Locsin, ngunit hindi rin  naakit at na-kumbinsi ang mamamayang Pilipino na piliin at ihalal si Colmenares sa pagkasenador.

Sinubok muli ng Makaba¬yan na patakbuhin si Colmenares nitong nakalipas na eleksyon, ngunit talagang talo.

Ibig sabihin, ayaw ng mamamayan kay Colmenares.

Ayaw ng mamamayang Pilipino sa kandidato ng pangkating Joma Sison.

Totoong malaki ang problema natin sa halalan sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan.

Pero, kung ipipinta nating bulok ito, huwag nang lumahok ang Makabayan sa eleksyon.

Huwag nang patakbuhin sa party-list elections ang mga party-list groups ng Makabayan, sapagkat bulok ang sistemang halalan.

Maglunsad na lang ng kilos-protesta sa kalsada ang Makabayan at ilantad ang totoong kulay nito.

Ipagtanggol at isulong na rin ng Makabayan at ni Neri Colmenares ang armadong pakikibaka upang mabago ang pamahalaan at lipunan ng Pilipinas, sapagkat ito naman ang ‘katapat’ ng bulok na sistema.

Hindi ang elektoral na pakikibaka ang makapagbabago ng bulok na sistemang binabanggit ni Colmenares, kun-di ang armadong pakikibaka.

Talunang Neri, itanong mo kina Joma, Satur Ocampo at Nathaniel Santiago kung tama ‘yang binabanggit ko o hindi.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment