BOTO NG MGA KONGRESISTA ANG MAGLULUKLOK SA SPEAKER, HINDI SALITA NI DUTERTE

CHRISTIAN BOMB

KAHIT si Taguig City-Pateros Rep. Alan Cayetano ang pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na unang maging Speaker ng Kongreso, na papalitan ni Marinduque Rep. Allan Lord Velasco makalipas ang isa at kalahating taon, base sa napagkasunduan nilang term sharing, ay hindi pa rin siya nakatitiyak na siya nga ang magiging lider ng House of Representatives sa 18th Congress.

Ang dahilan, sa Hulyo 22, 2019 pa magkakaroon ng botohan sa pagpili ng mamumuno sa Kongreso.

Bagamat si Cayetano ang inendorso ni Pangulong Duterte ay hindi ibig sabihin nito ay wala nang magaganap na botohan sa pagpili ng Speaker sa Hulyo 22. Nasa batas kasi, ang pagpili sa mamumuno sa Kongreso ay idinadaan sa botohan ng mga miyembro ng House of Representatives.

Ika nga, huwag munang magsaya si Cayetano na siya na nga ang unang magiging Speaker sa napagkasunduan nilang term-sharing ni Velasco, lalo’t hindi pa nagpapahayag nang pagsang-ayon dito ang magkapatid na mga anak ni Pangulong Duterte na sina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at Mayor Sara Duterte-Carpio, na ang gustong maging Speaker ay ang kapwa nila Davaeño na si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab.

Dapat tandaan ni Cayetano na si Mayor Sara ang gumalaw nuon para mapatalsik sa pagiging Speaker si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, at ang pinili ng Presidential daughter na pumalit dito ay si dating Speaker, ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo.

Walang alam si Pangulong Duterte sa ginawang ito noon ni Mayor Sara, na ang pagpapalit sa liderato ng Kamara ay itinaon pa sa 2018 SONA (State of the Nation Address) ng Presidente.

Bukod diyan, ang mga taga-PDP-Laban na may pinakamaraming miyembro sa House of Representatives ay si Velasco ang nais na maging Speaker dahil ito ang kapartido ni Pangulong Duterte, at hindi nila kapartido si Cayetano na mula sa Nacionalista Party (NP).

Idagdag pa sa isyung iyan na unconstitutional ang pagpili ni Pangulong Duterte kay Cayetano na maunang ma­ging Speaker dahil nakasaad sa Saligang Batas na hindi puwedeng manduhan ng Presidente ang mga mambabatas, at tanging mga miyembro lang ng Kongreso ang puwedeng mamili ng nais nilang maging Speaker of the House.

Masalimuot pa ang isyung speakership, at hindi pa nakatitiyak si Cayetano na siya na nga ang mauunang maging Speaker, dahil sa oras na may mag-nominate kina Ungab, Velasco at maging kay Leyte Rep. Martin Romualdez sa Hulyo 22 para sa labanan sa pagka-Speaker, mas lamang ang talo ni Cayetano kaysa panalo, dahil kakaunti lang ang bilang ng mga kapartido niya sa NP sa Kongreso.

Siya nga ang napili ni Pangulong Duterte na unang maging Speaker, pero ang boto ng mga kongresista ang magluluklok kung sino ang nais nilang mamuno sa Kongreso, at hindi ang salita ng Presidente.  (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment