BLACK SAND MINING SA APARRI, CAGAYAN DAPAT IPATIGIL!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

NANGANGAMBA ang mga residente ng Appari, Cagayan dahil sa patuloy na dred­ging operation ng isang dayuhang kompanya kung saan natatakot ang mga mamamayan sa masamang epekto ng paghuhukay sa kanilang ilog.

Ayon kay Joel Aquino at iba pang residente, umaabot na sa kanilang mga bahay ang tubig dahil sa pag-apaw ng ilog simula nang maghukay ang Chinese company. Nangangamba sila na gumuho ang mga gilid ng ilog kung patuloy ang paghuhuhay ng dayuhang kompanya.

Nitong nakaraang Martes ay naglabas na ng kanilang resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Aparri na humihiling sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 na ipatigil ang dred­ging operation ng Chinese company. Napag-alaman din na walang dred­ging plan at permit ang kompanya na kinontrata umano ng provincial government.

Sinasabing nagkaroon ng Memorandum of Agreement(MOA) ang provincial government ng Cagayan at Chinese company para palalimin ang ilog na magbibigay-daan sa pagbubukas ng Aparri Port.

Kamakailan ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dredging sa apat na malalaking ilog sa bansa at kabilang na riyan ang Aparri, Cagayan River.

Pero, ayon naman sa Anti-Mining Advocate Group ng Cagayan, hindi dredging ang pakay ng Chinese company kundi ang pagmimina ng “black sand” sa Aparri River na sinasabing aabot umano sa $50 milyon ang bentahan sa bansang Hong Kong.

Sinikap ng inyong lingkod na makuha ang panig ni Cagayan Governor Manuel Mamba, pero hindi ito sumasagot sa a­king text at tawag para sana makapagbigay siya ng kanyang kasagutan kaugnay sa isyu at rek­lamo ng mga mamamayan ng Aparri.

Sa mga taga-DENR, kay Secretary Roy Cimatu, sir, malaking usapin ang pagmimina ng black sand sa ilog ng Aparri, Cagayan baka naman ho pwede ninyong ipatigil dahil mismong ang taumbayan at simbahan ay tutol sa dredging operation ng Chinese company dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan lalo na sa buhay ng mga residente.

Teka muna, kay Governor Manuel, sir, ano po ba ang kasunduan ninyo ng dayuhang kumpanya para payagan ang dredging o pagmimina ng black sand? Kita-kitang ho sa video na sinisipsip ng malaking tubo ang mga buhangin na ga­ling sa ilalim ng tubig at hindi lupa ang kanilang hinuhukay.

oOo

Subaybayan ang aking araw-araw na FACEBOOK LIVE PROGRAM sa LATIGO NEWS TV at sa YOUTUBE CHANNEL ang LATIGO ONLINE NATIONWIDE NEWS TV.  (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment