BIGYAN SANANG HALAGA NG PNP ANG SOPPB

NIPIS

SINASABING ma­ra­ming opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang hindi nasiyahan sa naganap na revamp sa organisasyon na ipinatupad ni Officer in Charge P/LtGen. Archie Gamboa,  ipinalit sa nagretirong si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na opisyal na baba ng puwesto ngayong araw bagaman sa Nobyembre pa ang talagang mandatory retirement niya.

Dismayado ang karamihan dahil pawang mga hindi inaasahan ang mauupo sa puwestong kinalalagyan ng mga ito sa ngayon.

Noong hindi pa nauupo si Pangulong Rodrigo Duterte, maraming pinagdaraanan ang isang opisyal bago niya makuha ang pwesto na gusto niya. Hindi puwedeng sa isa lang malakas ang isang opisyal na nais makakuha ng ‘juicy position’ subalit dapat ay malakas siya sa lahat.

Maraming kakausapin bago mapunta sa isang lugar tulad halimbawa ng provincial director, district director, regional director at iba pang posisyon.

Noon, bago mapunta ang isang district director sa nais niyang makuhang distrito ay daraan at susuyuin muna niya ang alkalde o mga alkalde na nakakasakop sa nais niyang patunguhan  bukod pa ito sa mga nasa higher headquarter o Camp Crame.

Kapag napapayag na ng opisyal o ng kanyang backer ang alkalde, kailangang tumango rin ang nasa PNP Camp Crame lalo na ang mga nasa itaas subalit mas lalong kailangan ang approval ng Senior Officers Placement and Promotion Board (SOPPB).

Kailangang magpadala ang mga ito ng mga pamimilian ng alkalde o kung mas mataas na puwesto ang hinihingi ng opisyal tulad ng Regional Director ay kailangang kausap ang mga gobernador na bumubuo sa rehiyon.

Doon, magpapadala ang SOPPB ng mga kandidato para sa puwesto na kapag natipuhan ay tiyak na siyang itatalaga ng PNP sa puwestong kailangan.

Kapag hindi nais ng mayor o gobernador ang itatalaga ng PNP, puwede ang mga itong mag­reklamo at papalitan ang naitalaga.

Subalit ngayon, hindi na makapamili ang mga alkalde kung sino ang nais nilang maitalaga sa kanilang nasasakupan sapagkat ayaw ni Pangulong Duterte na magkaroon ang mga alkalde o gobernador ng private armies.

Maganda naman ang layunin, subalit mayroon din itong hindi magandang dulot sapagkat posibleng hindi kabisado nang matatalaga ang ibinigay sa kanyang puwesto lalo na ang mga lugar dahil kapag nagkaganoon, ang hepe na mauupo ay gagawin lang tolongges ng kanyang mga tauhan pagdating sa trabaho maliban na lang kung pera lang talaga o pakinabang ang nais ng pulis na opisyal.

Sa ngayon, ang ilan sa mga itinalagang opisyal sa puwesto ay sinasabing pawang malalapit umano kay Gen. Gamboa at sinasabing hindi naman sila gusto ng mga opisyal ng Local Government Units na kanilang pinuntahan.

Walang magawa ang mga LGUs kung hindi maghintay na mapalitan ang opisyal na napunta sa kanilang teritoryo suba­lit ang nagsasakripisyo ay ang mga mamamayan dahil hindi naman todo ang suportang ibinibigay ng LGUs sa pulisya hindi katulad ng kapag gusto nila o alaga nila ang nakapuwesto ay lahat ng hiling para sa trabaho nila ay ibinibigay.

Sana lang, maibalik sa dati ang kinagawian ng PNP na dumaraan sa SOPPB ang mga opisyal na matatalaga sa kung saan-saang lugar at maging sa tanggapan sa mismong headquarters.

Mababalik ang tiwala ng mga opisyal ng PNP sa kanilang mga nakatataas na pinuno   kapag ganito ang nangyari at hindi ang desisyon lang umano ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang masusunod.

Nawa’y mapag-aralan nga ng PNP na maibalik ang da­ting proseso upang sa gayun ay magkaroon ng pagkakataon ang mga deserving na opisyales ng PNP na nais na magserbisyo sa lugar na kanilang target at masuportahan sila ng mga katsokaran nilang opisyales ng bayan, lalawigan at rehiyon. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment