BIGAS

yourservice

ANG ating Kongreso ay binuo sa ilalim ng a­ting saligang batas upang magsuri, pag-aralan at sumulat ng mga batas na makatutulong sa pagsulong ng ating mga adhikain sa bayan. Kabilang dito ang seguridad sa ating soberenya at kasarinlan, seguridad sa ating kaligtasan, seguridad sa kalusugan, at seguridad sa pananatili ng ating uri ng pamumuhay.

Isama na rin natin ang isa sa mga pinakaimportanteng aspeto ng pamumuhay natin bilang Pilipino — ang seguridad sa pagkain, lalong-lalo na sa pananim at suplay ng bigas. Kalakip sa aspetong ito ang pananatili ng isang resonableng pamilihan sa bigas mula sa magsasaka hanggang sa merkado.

Ngunit nakatatakot na ang mga nangyayari nga­yon sa ating mga kababayang magsasaka.

Kabi-kabila ang balitang hirap na hirap na sila dahil sa epekto ng isang batas na inilabas ng a­ting Kongreso — eto ang tinatawag nating Rice Tariffication Law — na naglalayong payagan ang pagpasok o pag-angkat ng mga murang bigas mula sa ating mga kapitbahay na bansa. Ano ang naging epekto nito? Ang naging epekto ng batas na ito ay ang pagbaha ng napakaraming bigas na inangkat mula sa ibang bansa at sa murang halaga. Natural, mas bibilhin o tatangkilikin ng mamimili ang murang bigas na ito kesa bumili ng bigas na local. Lalong-lalo na ngayon sa hirap ng buhay at sa mahinang kapangyarihan ng piso — natural lamang na mas bebenta ang mga i­nangkat na bigas — at mas malaking kita ito sa mga negosyanteng umangkat.

Sino ngayon ang talo? Sino ngayon ang napinsala dahil dito? Tayo ba? Hindi naman — dahil bilang mamimili, tila mas pabor sa atin na may mas mura tayong bibilhin na bigas. Ang tunay na naagrabyado rito ay ang ating mga magsasaka. Dahil sa kaganapang ito, dahil sa isang batas na naglayong ibsan ang taas ng presyo ng bigas — bumaba naman nang sobra ang presyo ng lokal na bigas para maari itong makipagkumpitensya sa inangkat na uri ng bigas. Ang resulta — lugi ang ating mga magsasaka dahil hirap nilang bawiin ang puhunan na ginamit sa pagtatanim at pag-ani ng bigas.

Ang solusyon naman ng pamahalaan — magpautang ng labinlimang libo kada magsasaka.

Sapat na ba ito? Natural hindi — lalo pa nga nitong pinahihirapan ang mga magsasaka dahil ito ay utang at hindi subsidiya. Panandaliang lunas lamang ito — para lang may masa­bi na may ginagawa ang pamahalaan para tugunan ang problema ng mga magsasaka.

Sa aking munting palagay, hindi puhunan o kakulangan ng puhunan ang problema — kung maari lamang ay balikan ng a­ting mga mambabatas, sa tulong ng mga numumuno sa Kagawaran ng Pagsasaka ang batas na pasimuno sa kaganapang ito. Totoo siguro namaganda ang hangarin ng nagsulong ng batas na ito sa Kongreso — ngunit hindi natin pwedeng ipikit ang ating mga mata sa hirap at hinagpis na tinatamo ngayon — oo ngayon — ng ating mga kababayang magsasaka. Ang suliraning ito ay umeepekto sa isang aspetong napakalapit sa ating mga puso bilang mga Pilipino — ang industriya ng ating pagsasaka at ang kinabukasan ng pamumuhay ng ating mga magsasaka. Hahayaan na lamang ba nating mamatay ang lokal na pagsasaka at ang pagtanim at pag-ani ng lokal na bigas at umasa na lamang sa pag-angkat mula sa ibang bansa? Tuluyan na lamang ba nating papatayin at kalilimutan ang pamumuhay at industriyang agraryo at tayuan na lamang natin ang ating mga lupaing sakahan ng malls? Kayo na ang humusga. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment